|
||||||||
|
||
Sa pangunguna ni Erlinda F. Basilio, Embahador ng Pilipinas sa Tsina, ginunita kaninang umaga ng mga kawani ng Embahadang Pilipino, miyembro ng Filipino Community sa Beijing at mga kaibigang Tsino ang Ika-118 Anibersaryo ng Pagkabayani ni Dr. Jose P. Rizal, Pambansang Bayani ng Pilipinas.
Sa kanyang pambungad na talumpati, sinabi ni Basilio, na si Rizal ay nananatiling isang maningning na ehemplo ng isang bayaning mapagmahal sa bansa, kung kanino, ibinabase ng bawat Pilipino ang kanyang pagmamahal sa bayan.
Anang embahador, si Rizal ay naaalala sa kanyang kagalingan, katalinuhan, walang-katulad na katapangan, at di-paggamit ng dahas upang labanan ang kalupitan at pang-aapi.
Inanyayahan din ni Basilio ang ilang dumalo sa pagtitipon na magbasa sa entablado ng isang talata mula sa obra maestra ni Rizal na "Huling Paalam."
Bukod pa riyan, isinulat-kamay rin sa isang espesyal na iskrol ng ilang piling panauhin ang nasabing tula. Ito, ani Basilio ay magiging bahagi ng Seksyong Rizaliana, ng nakatakdang itatag na Sentro Rizal ng Embahada ng Pilipinas sa Beijing.
Ang Sentro Rizal, anang embahador Pilipino ang siyang magiging repositoryo ng lahat ng tangible at intangible na pamanang pangkultura ng Pilipinas.
Aniya pa, ito rin ang magiging sentro ng kultura, kasaysayan, wika at sining Pilipino sa Tsina.
Kasama sa mga nagsulat-kamay sa tula ni Rizal ay sina Dr. Wu Jie Wei, Dr. Shi Yang, at Dr. Huang Yi ng Beijing University; at Rhio Zablan at Ernest Wang ng Serbisyo Filipino ng Radyo Internasyonal ng Tsina.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |