Ipinahayag ni Stanley Loh Ka Leung, Sugo ng Singapore sa Tsina na ayon sa pinakahuling pagtaya, tapos na ang 80% hanggang 85% ng konstruksyon ng ASEAN Community, at makukumpleto ang misyong ito bago magtapos ang 2015.
Winika ito ni Loh sa Asia Cooperation Dialogue (ACD) na may temang magkakasamang pagpapasulong ng konstruksyon ng Silk Road Economic Belt at 21st Century Maritime Silk Road, o sa madaling sabi, Belt and Road Initiative. Binuksan ang diyalogo kahapon sa Fuzhou, kabisera ng lalawigang Fujian sa dakong timog-silangan ng Tsina. Ito ay isa sa mga tampok ng Unang 21st Century Maritime Silk Road Expo na pinasinayaan din kahapon sa nasabing lunsod.
Ipinagdiinan ni Loh na ang konstruksyon ng imprastruktura ay isa sa mga priyoridad ng mga bansa ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) para maitatag ang ASEAN Community. Kaya, tinatanggap aniya ng ASEAN ang mga proposal na may kinalaman sa pagpapasulong ng imprastruktura na gaya ng Belt and Road Initiative.
Salin: Jade