Sa Great Hall of the People — Sa kanyang pakikipagtagpo ngayong araw kay Mamnoon Hussain, Pangulo ng Pakistan, tinukoy ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina na lubos na pinahahalagahan ng panig Tsino ang pagpapaunlad ng relasyon sa Pakistan. Nakahanda aniya ang Tsina na magsikap kasama ng Pakistan, para walang humpay na mapayaman ang nilalaman ng "Community of Common Destiny" ng dalawang bansa. Dagdag pa ni Xi, mainit niyang tinanggap ang pagpunta ni Mamnoon Hussain sa Tsina para dumalo sa aktibidad bilang paggunita sa Ika-70 Anibersaryo ng Tagumpay ng Digmaan ng mga Mamamayang Tsino laban sa Pananalakay ng Hapon at World War II (WWII) na gaganapin sa ika-3 ng Setyembre.
Ipinahayag naman ni Mamnoon Hussain na sa digmaan laban sa pananalakay ng Hapon at WWII, dinanas ng mga mamamayang Tsino ang napakalaking kapinsalaan, at nagbigay ng napakalaking ambag para sa tagumpay ng naturang digmaan. Aniya pa, pinahahalagahan ng kanyang bansa ang relasyong pangkaibigan sa Tsina, at patuloy na palalakasin ng Pakistan ang pakikipagkoordina at pakikipagtulungan sa Tsina sa mga suliraning pandaigdig.
Salin: Li Feng