Sa Great Hall of the People, Beijing—Nakipagtagpo dito ngayong araw si Pangulong Xi Jinping ng Tsina sa kanyang counterpart na Timog Koreano na si Park Geun-hye. Binigyan ng dalawang lider ng positibong pagtasa ang kasalukuyang kalagayan ng pag-unlad ng relasyong Sino-Timog Koreano.
Winewelkam ni Xi ang pagdalo ni Park sa V-Day celebration bilang paggunita sa ika-70 anibersaryo ng pagtatapos ng Digmaan ng mga Mamamayang Tsino laban sa Mananalakay na Hapones at Ikalawang Pandaigdig na Digmaan. Biniyang-diin niyang ang Tsina at Timog Korea ay mahalagang puwersa ng pagpapasulong ng kapayapaan ng rehiyon, maging ng buong daigdig. Gumawa aniya ang mga mamamayan ng dalawang bansa ng mahalagang ambag sa proseso ng digmaan laban sa mananalakay na Hapones, at Ikalawang Pandaigdig na Digmaan.
Tinukoy ni Xi na nakahanda ang panig Tsino, kasama ng panig Timog Koreano, na palalimin ang pagpapalitan at pagtutulungan sa iba't ibang larangan, at walang humpay na magpunyagi para maisakatuparan ang target ng komong kaunlaran, kapayapaan ng rehiyon, pag-ahon ng Asya, at kasaganaan ng daigdig.
Ipinahayag naman ni Park na napakahalaga ng katuturan ng kanyang pagdalo sa V-Day celebration ng Tsina. Nakahanda aniya ang panig Timog Koreano na aktibong pasulungin ang kooperasyon nila ng Tsina sa iba't ibang larangan, at palakasin ang koordinasyon ng "Mungkahi hinggil sa Kooperasyon ng Europa at Asya," at mungkahi ng pagtatatag ng" Silk Road Economic Belt" at "21st Century Maritime Silk Road" o "One Belt One Road."
Salin: Vera