Sa isang preskon kahapon, isiniwalat ni Tagapagsalita Yang Yujun ng Ministri ng Tanggulang Bansa ng Tsina, na sa unang dako ng susunod na buwan, dadalo si Chang Wanquan, Kasangguni ng Konseho ng Estado at Ministro ng Tanggulang Bansa, sa Pulong ng Pagpapalawak ng mga Ministrong Pandepensa ng ASEAN na gaganapin sa Malaysia.
Ayon kay Yang, mula ika-3 hanggang ika-8 ng susunod na buwan, pupunta si Chang sa Kuala Lumpur para dumalo sa ika-3 Pulong ng Pagpapalawak ng mga Ministrong Pandepensa ng ASEAN. Sa paanyaya naman nina Hishammuddin Hussein, Ministrong Pandepensa ng Malaysia, at Tea Banh, Pangalawang Punong Ministro at Ministrong Pandepensa ng Cambodia, isasagawa ni Chang ang opisyal at mapagkaibigang pagdalaw sa nasabing dalawang bansa.
Dagdag pa ni Yang, sa panahon ng naturang pulong, bibigkas ng talumpati si Chang para ilahad ang mga paninindigan at hakbangin ng panig Tsino hinggil sa pangangalaga sa kapayapaan at katatagan ng rehiyon, at pagpapalakas ng pagpapalitan at pagtutulungan ng mga bansa sa larangan ng seguridad ng suliraning pandepensa.
Salin: Li Feng