Sa pagtataguyod ng China Foundation of International Studies at China-ASEAN Business Council (CABC), idinaos kamakailan sa Beijing ang Pandaigdigang Simposyum tungkol sa "21st Century Maritime Silk Road." Isinalaysay ni Li Wen, Presidente ng China-ASEAN Investment Cooperation Fund (CAF), sa mga diplomata ng mga bansang ASEAN sa Tsina, ang tungkol sa kalagayan ng pamumuhunan ng CAF sa sampung (10) proyekto ng walong (8) bansang ASEAN.
Ang CAF ay itinatag noong taong 2009 na may 10 bilyong dolyares na kabuuang pondo. Ang Export-Import Bank of China ay pangunahing tagapagtaguyod ng pundasyong ito. Noong Abril ng 2010, sinimulang isaoperasyon ang pundasyon sa unang yugto na ang mga sponsors ay kinabibilangan ng Export-Import Bank of China, China Investment Corporation, Bank of China, International Finance Corporation (IFC), at China Communications Construction Company (CCCC) Group.
Sinabi ni Li na ang mga proyektong pinamumuhunan ng CAF sa unang yugto ay sumaklaw sa puwerto, tele-komunikasyon, industriya ng pagmimina, enerhiya, building materials, medisina, at iba pang mga larangan. Ang mga ito aniya ay nakakapagpatingkad ng positibong papel para sa pagpapasulong ng pagsasama-sama ng mga industriya ng Tsina at mga bansang ASEAN, at pagpapasulong ng kabuhayan sa mga may-kinalamang bansa.
Salin: Li Feng