Sa pakikipag-usap sa Tashkent, Uzbekistan nitong Lunes, Mayo 23, 2016 sa kanyang Tajikistani counterpart na si Sirojiddin Aslov, sa sideline ng pulong ng mga Ministrong Panlabas ng Shanghai Cooperation Organization(SCO), ipinahayag ni Ministrong Panlabas Wang Yi ng Tsina na sapul ng pagkakatatag ng estratehikong partnership ng Tsina at Tajikistan, nananatiling madalas ang pag-uusap sa pagitan nina Pangulong Xi Jinping at Pangulong Emomali Rahmon. Sinabi ni Wang na nagkakasundo sila sa inisyatibo sa pagtatatag ng land-based na Silk Road Economic Belt na itinataguyod ng Tsina para sa komong kaunlaran, at mabunga ang pagtutulungan ng dalawang bansa sa imprastruktura, koryente, agrikultura at iba pa. Nakahanda aniya ang Tsina na pasulungin ang pakikipagtulungan sa Tajikistan sa konstruksyon ng land-based na Silk Road Economic Belt, konektibidad at produktibong lakas, pagtatatag ng malayang sonang pangkalakalan, kooperasyon panseguridad, at pagbibigay-dagok sa terorismo, seperatismo at ekstrimismo.
Ipinahayag naman ni Sirojiddin Aslov ang pananabik ng Tajikistan sa pagsapi sa "Belt and Road Initiative" na itinataguyod ng Tsina, para maisakatuparan ang win-win situation ng dalawang bansa. Ipinahayag din ni Sirojiddin Aslov na suportado ng Tajikistan ang paninindigan ng Tsina sa isyu ng South China Sea. Dagdag pa niya, inaasahang maayos na malulutas ng mga may-direktang kinalamang bansa ang nasabing isyu, sa pamamagitan ng mapayapang diyalogo.