Martes, ika-12 ng Hulyo, 2016, sinabi ng Xinhua News Agency, ginawa ng 5-miyembrong Arbitral Tribunal hinggil sa isyu ng South China Sea (SCS) ang ilegal at imbalidong final award. Pagkaraang ipahayag ang sariling karapata't kapakanan sa karagatang ito, at paninindigan na hindi tinatanggap at kinikilala ang nasabing resulta, sa pamamagitan ng pahayag ng pamahalaan at mga lider ng Tsina, inilabas Miyerkules, ika-13 ng Hulyo, 2016, ng Tsina ang white paper na pinamagatang "China Adheres to the Position of Settling Through Negotiation the Relevant Disputes Between China and the Philippines in the South China Sea."
Sa news briefing nang araw ring iyon, sinagot ni Liu Zhenmin, Pangalawang Ministrong Panlabas ng Tsina, ang mga tanong ng mga mamamahayag na Tsino't dayuhan hinggil sa kung itatayo ng panig Tsino ang Air Defense Identification Zone (ADIZ) sa South China Sea, pagkatapos ng pagpapalabas ng resulta ng umano'y arbitrasyon.
Ipinahayag ni Liu na kung maisasapanganib ang katiwasayan ng Tsina, may karapatan itong itayo ang ADIZ. Aniya, ito ay depende sa komprehensibong pagtasa ng panig Tsino.
Binigyang-diin ni Liu na ang South China Sea arbitration ay unilateral na isinumite ng pamahalaan ni dating Pangulong Benigno Aquino III ng Pilipinas. Napansin aniya ng panig Tsino ang positibong pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte at bagong pamahalaan ng Pilipinas sa isyung ito. Nakahanda ang panig Tsino na magsikap, kasama ng bagong pamahalaang Pilipino, para maayos na hawakan ang isyu ng South China Sea, at mapasulong ang pagbalik ng relasyong Sino-Pilipino sa tumpak na landas sa lalong madaling panahon, dagdag pa ni Liu.
Salin: Vera