|
||||||||
|
||
Ayon sa pahayag Lunes ng gabi, Agosto 29, 2016, ng Ministri ng Kalusugan (MOH) ng Singapore, 56 katao ang kumpirmadong nahawahan ng Zika virus. Mas mataas ito ng 15 kaso kumpara sa bilang noong Agosto 28.
Ayon din sa nasabing ministri, 2 sa 15 bagong maysakit ay manggagawa sa construction site sa 60 Sims Drive at gumaling na sila. Samantala ang 13 iba pa ay residenteng lokal na nagtatrabaho o nanunuluyan malapit sa nasabing lugar kung saan naunang natuklasan ang virus.
Sinabi rin ng MOH na natapos na nito ang physical check sa lahat ng mga manggagawa sa nasabing construction site na may sintomas ng lagnat at pamamantal at kasalukuyang nagpapa-physical check sa ibang mga manggagawa.
Samantala, sinuri rin ng National Environment Agency ng bansa ang mga apektadong lugar kaugnay ng mosquito breeding kung saan isinagawa ang thermal fogging, misting at indoor spray ng mga insecticide.
Bukod sa Singapore, 57 ibang bansa/rehiyon ang naiulat ding may kaso ng infection ng locally transmitted na Zika virus.
Nitong nagdaang Mayo, ipinatalastas ng Singapore ang unang kaso ng Zika virus at ang maysakit ay isang 48 taong gulang na lalaki na umuwi mula sa Brazil.
Ang Zika virus ay nakukuha ng tao sa pamamagitan ng kagat ng Aedes species mosquito, lamok na nagpapalaganap din ng chikungunya at dengue.
Kabilang sa mga sintomas ng Zika infection ay lagnat, pamamantal, pananakit ng kasukasuan at namumulang mata. Pero, kadalasan hindi ito nangangailangan ng pagkaospital, at mababa rin ang insidente ng kamatayan.
Ngunit, ito'y lubhang mapanganib para sa mga nagdadalang tao dahil naaapektuhan nito ang sanggol sa sinapupunan.
Salin/Edit: Jade
Pulido: Mac
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |