Xi'an, Punong Lunsod ng probinsyang Shaanxi ng Tsina — Sa pagtataguyod ng Tanggapan ng Impormasyon ng Konseho ng Estado ng Tsina, binuksan nitong Lunes, Setyembre 26, 2016, ang Pandaigdigang Simposyum tungkol sa "Belt and Road."
Sa kanyang talumpati sa simposyum, ipinahayag ni He Lifeng, Pangalawang Puno ng Pambansang Komisyon ng Pag-unlad at Reporma ng Tsina, na nitong tatlong (3) taong nakalipas sapul nang pasimulan ang konstruksyon ng "Belt and Road," kasalukuyang nakikita ang masiglang pagkabuhay nito. Hanggang sa ngayon, nasa mahigit 30 bansa kabilang ang Tsina ay lumagda na sa Inter-Governmental Cooperation Agreement hinggil sa magkakasamang pagtatayo ng "Belt and Road," aniya.
Ani He, sapul nang pasimulan ang nasabing inisyatiba, magkakasanib na isinagawa ng Tsina at mga bansa ang mga proyektong pangkooperasyon. Ilan sa mga ito ay nakalikha na ng kapansin-pansing benepisyong pangkabuhayan at panlipunan, aniya. Sa pamamagitan ng naturang mga proyektong pangkooperasyon, ibayo pang pinalalakas ang koordinasyong pampatakaran, pag-uugnayan ng mga instalasyon, at pagpapalitan ng pondo sa pagitan ng Tsina at mga bansa sa kahabaan ng "Belt and Road," dagdag niya.
Samantala, walang humpay ding pinalalawak ng Tsina at mga bansa sa kahabaan ng "Belt and Road"ang kooperasyon sa mga aspektong gaya ng edukasyon, kultura, medisina, kalusugan, at siyensiya't teknolohiya. Ang konektibidad ng puso ng mga mamamayan ay naging hayag na katangian ng konstruksyon ng "Belt and Road." Binigyan din ng lubos na papuri ng mga organisasyong pandaigdig na tulad ng United Nations (UN) at World Bank (WB) ang "Belt and Road" Initiative.
Salin: Li Feng