|
||||||||
|
||
Beijing, China — Sa pag-uusap Huwebes, Oktubre 20, 2016, nina Pangulong Xi Jinping ng Tsina at Pangulong Rodrigo Duterte, buong pagkakaisang sinang-ayunan ng dalawang lider na pasulungin ang komprehensibong pagpapabuti ng relasyong Sino-Pilipino para makapaghatid ng benepisyo sa mga mamamayan ng dalawang bansa.
Tinukoy ni Pangulong Xi na bagama't nararanasan ng Tsina at Pilipinas ang mga pagsubok, hindi nagbabago ang pundasyon ng damdamin at mithiin sa kooperasyon. Lubos aniyang pinahahalagahan ng panig Tsino ang relasyon sa panig Pilipino. Nakahanda itong magsikap kasama ng panig Pilipino, upang mapasulong pa ang relasyong pangkaibigan ng dalawang bansa, aniya pa.
Kaugnay ng relasyong Sino-Pilipino sa hinaharap, iniharap ng Pangulong Tsino ang apat na mungkahing kinabibilangan ng pagpapalakas ng pagtitiwalaang pulitikal, pagsasagawa ng pragmatikong kooperasyon, pagpapasulong ng pagpapalitang di-pampamahalaan, at pagpapalakas ng kooperasyon sa rehiyon at mga multilateral na suliranin. Idinagdag pa niya na nakahanda ang Tsina na aktibong makilahok sa konstruksyon ng imprastruktura ng Pilipinas na gaya ng daam-bakal, komunikasyon sa kalunsuran, lansangan, at puwerto, at pasulungin ang pagpapalawak ng pamumuhunan ng mga bahay-kalakal na Tsino sa Pilipinas.
Ipinahayag naman ni Pangulong Duterte na ang Tsina ay isang dakilang bansa, at hinding hindi nagbabago ang mahabang tradisyonal na pagkakaibigang Pilipino-Sino. Pinasasalamatan aniya ng Pilipinas ang ibinibigay na tulong ng Tsina sa pag-unlad ng kabuhayan at lipunan ng bansa. Nakahanda ang panig Pilipino na pasulungin ang mainam na pag-unlad ng relasyong Sino-ASEAN, at palalimin ang pagkokoordinahan at pagtutulungan ng dalawang panig sa mga suliraning panrehiyon at pandaigdig, dagdag pa ni Duterte.
Pagkaraan ng pag-uusap, magkasamang sinaksihan ng dalawang lider ang paglagda sa 13 bilateral na dokumentong pangkooperasyon hinggil sa mga larangang tulad ng kabuhayan at kalakalan, pamumuhunan, kakayahan ng produksyon, agrikultura, turismo, paglaban sa droga, pinansya, at konstruksyon ng imprastruktura.
Salin: Li Feng
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |