|
||||||||
|
||
SINABI ng Department of Foreign Affairs na tuloy ang pagpupulong ng mga kinatawan ng Association of South East Asian Nations sa Bohol kahit pa nasugpo ng mga autoridad ang pananalakay ng Abu Sayyaf sa isang malayong pook ng lalawigan.
Ang Bohol ang nangangasiwa sa ASEAN Hong Kong Free Trade Agreement Meeting mula bukas hanggang sa darating na Sabado, ika-dalawampu't dalawa ng Abril sa Panglao Island resort.
Sinabi ng tagapagsalita ng Department of Foreign Affairs na si Robespierre Bolivar na wala silang natatanggap na abisong hindi matutuloy ang pulong ayon sa schedule. Kumpirmadong darating ang lahat ng mga delegado sa pulong.
Apat umanong mga Abu Sayyaf ang napaslang sa sagupaan at kinabibilangan ng pinuno nitong si Moammar Askali, tatlong kawal, isang pulis at dalawang sibilyan ang nasawi sa putukan noong nakalipas na Martes.
Hindi kaagad nabatid kung ang ano ang ginagawa ng mga Abu Sayyaf sa Bohol na madalas dalawin ng mga Filipino at banyagang mga turista. Nakatala bilang isang terrorist organization ng Pilipinas at Estados unidos, ang Abu Sayyaf Group ang nasa likod na pananalakay sa iba't ibang bahagi ng Mindanao at pagdukot sa mga banyaga. Tanyag sila sa pamumugot ng ulo ng kanilang mga bihag.
Pinaniniwalaang may koneksyon na ang grupo sa Islamic State.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |