|
||||||||
|
||
Bilang pagsuporta sa implementasyon ng Paris Agreement on Climate Change na niratipikahan kamakailan ng Senado ng Pilipinas, at paggunita sa Araw ng Mundo (Earth Day), idinaos Abril 21, 2017 sa hardin ng Embahada ng Pilipinas sa Beijing ang pagtatanim ng kawayan at rattan para sa sustenableng pag-unlad.
Ambassador Jose Santiago Sta. Romana
Sa eksklusibong panayam ng Serbisyo Filipino kay Jose Santiago Sta. Romana, Embahador ng Pilipinas sa Tsina, sinabi niyang napakahalaga ng nasabing aktibidad dahil sinisimbolo nito ang pagpapahalaga ng bansa sa pangangalaga ng kalikasan at pagsusulong ng sustenableng pag-unlad.
Ani Sta. Romana, pormal na nagkabisa sa Pilipinas ang nasabing kasunduan noong Abril 22, 2017.
Bukod sa pagsuporta sa Paris Agreement on Climate Change, layon din aniya ng aktibidad na ipakita ang matibay na pagkakaisa ng Pilipinas, Tsina at iba pang mga bansa ng Timog-silangang Asya sa pakikibaka sa pagbabago ng klima, pagpapa-unlad sa kabuhayan ng kani-kanilang mga mamamayan sa pamamagitan ng mga produktong kawayan at rattan, at mahusay na paghawak sa iba pang usapin at hamong kinakaharap ng rehiyon at daigdig.
"Ang kawayan at rattan ay pangkaraniwan sa Pilipinas, pero malaki ang ginagampanan ng mga ito sa mitigasyon sa pagbabago ng klima, dahil kung magagamit ang mga ito sa mabisa at sustenableng paraan, hindi na kailangang pumutol pa ng mga puno at sirain ang mga kagubatan," dagdag ng embahador Pilipino.
Pero, bagamat, natural na tumutubo ang kawayan at rattan sa Pilipinas, hindi pa ganoon kaunlad ang mga pamamaraan ng bansa sa sustenableng paggamit nito.
Hinggil dito, sinabi ng embahador Pilipino na, kasalukuyan nang gumagawa ng mga konkretong hakbang ang pamahalaan ng Pilipinas upang pasulungin ang kamalayan ng mga Pilipino tungkol sa mga produktong mula rito, at kung paano magagamit ang mga ito sa pagpapa-unlad ng buhay ng maraming tao, lalung-lalo na ng mga nasa kanayunan.
Embahador Jose Santiago Sta. Romana (kaliwa) at Dr. Hans Friedrerich (kanan) habang nagtatanim ng kawayan sa hardin ng Embahada ng Pilipnas sa Beijing
Ikinuwento ni Sta. Romana na noong Pebrero 2017, nagkaroon siya ng pagkakataon na magpunta sa Cebu, at doon, nakita niya mismo kung paano napa-unlad ng mga produktong rattan ang buhay ng isang Pilipinong negosyante.
Nakakabilib aniya ang istorya ni Kenneth Cobonpue.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |