Ipinahayag Hunyo 6, 2017 ni Hua Chunying, Tagapagsalita ng Ministring Panlabas ng Tsina ang pag-asang komprehensibo at balanseng tutupdin ng ibat-ibang panig ang mga resolusyon ng UN hinggil sa isyung nuklear ng Hilagang Korea. Ito aniya ay para pasulungin ang mapayapang paglutas sa nasabing isyu, sa pamamagitan ng pagpigil sa pagpapalaganap ng sandatang nuklear at pagpapasulong ng talastasang pangkapayapaan.
Pinagtibay kamakailan ng UN Security Council ang resolusyon bilang 2356, bilang tugon sa nuclear test ng Hilagang Korea. Pinalawak nito ang saklaw ng ipinapataw na sangsyon laban sa mga "individual at entity."
Kaugnay nito, ipinahayag ni Hua na bilang kapitbansa ng Hilagang Korea at isa sa mga Pirmihang Kinatawan ng UNSC, sinusubaybayan ng Tsina ang kalagayan sa Peninsula ng Korea. Aniya, sa mula't mula pa'y, positibo ang Tsina sa prinsipyo ng "Peninsula ng Korea na ligtas sa Sandatang Nuklear," pangangalaga sa katatagan ng rehiyon, at paglutas sa alitan sa mapayapang negosasyon. Umaasa aniya ang Tsina na gagawin ng mga may-kinalamang panig ang mga bagay-bagay na makakatulong sa pagpapahupa ng kalagayan sa naturang rehiyon, at pagpapalakas ng pagtitiwalaan ng ibat-ibang panig.