|
||||||||
|
||
Beijing –Sa magkasanib na preskon na idinaos nina Ministrong Panlabas Wang Yi ng Tsina at Kalihim na Panlabas Alan Peter Cayetano ngayong araw, Hunyo 29, 2017, ipinahayag ni Cayetano na sa kanyang pakikipag-usap kay Ministro Wang, nagkasundo silang palakasin ang kooperasyon ng Pilipinas at Tsina sa paglaban sa ilegal na droga at pagbibigay ng maginhawang buhay sa mga Pilipino dahil ito aniya ay konektado sa pakikibaka sa terorismo at ekstrimismo.
Aniya, ang isyung ito ay mahalagang hamon na nangangailangan ng magkakasamang pakikibaka at kooperasyon, dahil hindi kayang mag-isang gapihin ng Pilipinas ang nasabing mga salot.
Dagdag pa ng kalihim na Pilipino, ang matalik na kooperasyon ng Pilipinas at Tsina sa usaping ito ay matatag na simbolo upang magkaroon ng kasaganaan at pag-unlad ang dalawang bansa't kanilang mga mamamayan.
"Ang mga Pilipino ay madasaling mamamayan. Lagi naming ipinagdarasal ang kasaganaan, katatagan, pag-unlad at mabuting pakikipamuhayan sa lahat ng bansa ng mundo," ani Cayetano.
Pero, kasabay ng pagdarasal, kailangan din aniyang "samahan ng kaakibat na paggawa ang matatag paniniwala, o lagyan ng matatag na paniniwala ang paggawa."
Sa tulong aniya ng Maykapal, pinag-ibayong kapatiran ng Pilipinas at Tsina, at pakikipagkaibigan sa lahat ng bansa sa mundo, makakamtan ang kapayapaan at pag-unlad.
Samantala, ipinahayag naman ni Ministro Wang, na ang pakikibaka laban sa terorismo ay isang "magkakasamang responsibilidad" ng lahat ng bansa.
Ang Tsina aniya ay isang responsableng miyembro ng komunidad ng daigdig, at sa iba't ibang pamamaraan, nakikilahok ang Tsina sa pakikibaka laban sa terorismo.
Sa pagharap aniya ng Pilipinas sa grabeng banta ng terorismo, hindi mag-aalinlangan ang Tsina na tulungan ang Pilipinas sa pagresolba sa problemang ito.
Kahapon, dumating na sa Pilipinas ang unang bahagi ng pangkagipitang tulong mula sa Tsina, dagdag ni Wang.
Bukod dito, tutulong din aniya ang Tsina sa muling pagbangon at rekonstruksyon ng Marawi, sa sandaling magapi ang mga terorista.
Sinabi pa ni Wang na palalakasin din ng Tsina ang pakikipagtulungan sa Pilipinas sa larangan ng negosyo at ekonomiya upang makapagdala ng pag-unlad sa buhay ng mga mamamayang Pilipino upang tuluyang mawala ang banta ng droga at terorismo.
Sa kabilang dako, palalakasin din aniya ng dalawang panig ang kooperasyon at pagbabahaginan ng impormasyon sa dagat, magkasamang pagpapatupad ng batas sa dagat, at magkasamang pagsawata sa mga cross-border na krimen at terorismo.
Naniniwala aniya ang Tsina sa matatag na inisyatiba ni Pangulong Rodrigo Duterte sa pagsugpo sa ilegal na droga at paglansag sa terorismo, upang makapagdala ng kapayapaan, kasaganaan at pag-unlad sa mga mamamayang Pilipino.
"Gusto kong ipahayag sa lahat ng mamamayang Pilipino, na sa tuwing magkakaroon ng mga kahirapan at pagsubok, ang Tsina ay laging nasa inyong tabi at aantabayanan kayo sa lahat ng panahon, dahil ang Tsina't Pilipinas ay mabuting magkapit-bansa at matalik na magkaibigan," ipinagdiinan ni Wang.
Taos pusong pasasalamat naman ang ipinaabot ni Cayetano sa Tsina sa paninindigan nito.
Ani Cayetano, ang pinlakas na pagkakaibigan at kapatiran ng Pilipinas at Tsina ay hindi lang nakakabuti sa mga mamamayan ng dalawang bansa, kundi magdadala rin ng katatagan at kasaganaan sa buong South China Sea at buong rehiyon ng Asya.
Sa malapit na hinaharap, makikita at lilitaw na ang mga mabuting bunga ng kooperasyon ng dalawang panig sa larangan ng impastruktura, dagdag ni Cayetano.
Sinabi pa ni Cayetano na kailangang isipin ng mga Asyano na sila ay Asyano, at magtulung-tulong, magkaisa at magkapit-bisig upang sugpuin ang salot ng droga, ekstrimismo, terorismo, at kahirapan.
Kailangan aniyang magkaroon ng mas inklusibong ekonomiya, mas inklusibong lipunang Asyano, upang sa bandang huli ay makapagdulot ng magkakasamang pag-unlad sa buong Asya.
Ulat: Rhio
Larawan: Lele
Edit: Jade
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |