|
||||||||
|
||
Sina Wang Yi (sa kanan), Ministrong Panlabas ng Tsina, at Alan Peter Cayetano (sa kaliwa), Kalihim ng Kagawaran ng Ugnayang Panlabas ng Pilipinas
"Ang bilateral na relasyon ng Pilipinas at Tsina ay kasalukuyang nasa ginintuang panahon ng mabilis na pag-unlad." Ito ang winika ni Wang Yi, Ministrong Panlabas ng Tsina sa mga mamamahayag matapos ang kanilang pag-uusap ni Kalihim Alan Peter Cayetano ng Kagawaran ng Ugnayang Panlabas ng Pilipinas ngayong Huwebes, Hunyo 29, 2017 sa Beijing.Tunay Bentahe ng Pagbuti ng Relasyon
Dagdag ni Minister Wang, sapul nang dumalaw sa Tsina si Pangulong Rodrigo Duterte noong Oktubre, 2016, lumalalim ang pagtitiwalaang pulitikal ng dalawang bansa at lumalawak din ang pagtutulungan sa iba't ibang sektor.
Idinagdag pa niyang wala pang anim na buwan, 22 kasunduan ang pinirmahan ng dalawang bansa para isulong ang kooperasyon sa larangan ng imprastruktura, kabuhayan, kalakalan, enerhiya, turismo, pakikibaka laban sa ilegal na droga, agrikultura, at iba pa. Itinakda rin aniya ng dalawang bansa ang priyoridad ng mga proyektong pangkooperasyon sa imprastruktura na gaya ng daambakal, dam, tulay at iba pa.
Aniya pa, ang Tsina, sa unang pagkakataon ay naging pinakamalaking trade partner ng Pilipinas. At kasabay ng pagbuti ng relasyon ng dalawang bansa naitala rin ang paglaki sa kalakalang pang-agrikultura at turismo. Nitong 7 buwang nakalipas, 420,000 toneladang prutas ang inangkat ng Tsina mula sa Pilipinas.
Ang lahat ng ito ani Wang ay bunga ng pagpapatupad sa narating na konsensus ng mga lider ng Pilipinas at Tsina at mga tunay na bentahe para sa mga mamamayan.
Ipinakikita lamang nito na ang pagsusulong ng mabuting pagkakabitbansa at kooperasyon ay ang tanging tamang-pili para sa ikabubuti ng interes ng dalawang bansa.
Ipinahayag din ni Wang na kapwa sumang-ayon ang dalawang panig na ituloy ang mapagkaibigang bilateral consultative mechanism upang hanapin ang kalutasan sa isyung pang-dagat. Itinatag na rin ang kooperasyon sa coastguards ng magkabilang panig. Sa huli sinabi rin ni Wang na susuportahan nito ang Pilipinas sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Chairmanship nito ngayong taon.
Belt and Road Initiative, ASEAN Connectivity at Philippine Development Plan, magkakatugma
Bilang tugon, sinabi naman ni Kalihim Cayetano na "big idea" ang Belt and Road Initiative na isinusulong ng Tsina para sa komong kaunlaran. Aniya pa, ito ay tugmang-tugma sa mga layunin ng ASEAN Connectivity at ng Philippine Development Plan.
Hinggil sa malakas na ugnayan ng Pilipinas at Tsina, ipinahayag din niyang hindi ito ginawa ng iisang tao lang. Bunga ito ng pagsisikap ng dalawang lider, maraming mga kawani ng pamahalaan at kapwa mga mamamayang Pilipino at Tsino na nagnais manumbalik ang pagtitiwalaaan at pananalig sa isa't isa. Ang unang kapansin-pansing bunga ng pagsisikap na ito ani ng kalihim ay ang kapayapaan at katatagan sa South China Sea at maging sa buong rehiyon.
Asian Century
Sinabi rin ni Sec. Cayetano na kapwa naniniwala sina Pangulong Xi Jinping at Rodrigo Duterte na ngayon ay Asian Century. Bilang mga Asyano, nawa ay gamitin ang kapayapaan at katatagan bilang puwersang magpapasulong ng pag-unlad ng pamumuhay ng lahat ng mga mamamayan.
Ulat: Mac Ramos
Edit: Jade
Larawan: Lele
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |