|
||||||||
|
||
Sina Wang Yi (sa kanan), Ministrong Panlabas ng Tsina, at Alan Peter Cayetano (sa kaliwa), Kalihim ng Kagawaran ng Ugnayang Panlabas ng Pilipinas
Beijing – Sa magkasanib na preskon na idinaos ngayong araw Hunyo 29, 2017 nina Wang Yi, Ministrong Panlabas ng Tsina at Alan Peter Cayetano, Kalihim ng Kagawaran ng Ugnayang Panlabas ng Pilipinas (DFA), ipinahayag ni Wang ang matibay na suporta ng Tsina sa pagkapangulo ngayong taon ng Pilipinas sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN).Ani Wang, bilang pinakamatibay na tagapagsuporta ng ASEAN at pinakaaktibong kasapi ng pagtutulungan ng Silangang Asya, suportado ng Tsina ang "Integrasyon ng ASEAN" at aktibo rin itong nakikibahagi sa iba pang may kaugnayang kooperasyon sa usaping ito.
Nananalig din aniya ang Tsina na mai-a-upgrade sa mas mataas na antas ang ugnayan ng Tsina at ASEAN upang magkaroon ito ng mas malawak na impluwensya.
Isinalaysay ni Wang, na sa kanyang naunang pakikipagtagpo kay Cayetano, napag-usapan nila ang pagpapasulong at pagpapalawak sa mekanismo ng 10+3 at East Asia Summit.
Pinasalamatan naman ni Kalihim Cayetano ang patuloy na suporta ng Tsina sa pagkapangulo ngayong taon ng Pilipinas sa ASEAN at pakikisangkot ng Tsina sa mga porum na may-kaugnayan sa ASEAN.
Aniya, ipinapaabot ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang kanyang kagalakan at pangungumusta sa Tsina at mga mamamayan nito.
Dagdag pa niya, nagpapasalamat si Pangulong Duterte sa mainit na pagtanggap sa kanya ng pamahalaang Tsino sa nakaraan niyang dalawang pagdalaw sa bansa.
Ani Cayetano, hinggil sa usapin ng ASEAN, nagkasundo sila ni Ministro Wang na magbahaginan ng mga bungang pang-ekonomiya na bunsod ng mabuti at matalik na pagkakaibigan ng Pilipinas at Tsina, tungo sa pagkakaroon ng kasaganaan, katatagan at maunlad na pamumuhay ng mga Pilipino at Tsino.
End
Ulat: Rhio
Larawan: Lele
Edit: Jade
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |