Manila — Dumalo ngayong araw, Agosto 7, 2017, si Ministrong Panlabas Wang Yi ng ng Tsina sa Pulong ng mga Ministrong Panlabas ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN), Tsina, Hapon, at Timog Korea (10+3).
Ipinahayag ni Wang na mula noong isang taon, sa ilalim ng aktibong pagsusulong ng iba't-ibang panig, natamo ng pragmatikong kooperasyon ng 10 plus 3 ang mga bagong progreso. Aniya, ang 2017 ay ika-20 anibersaryo ng pagsisimula ng 10 plus 3 cooperation. Nitong 20 taong nakalipas, mahalagang ambag ang ibinigay ng kooperasyong ito para sa pagpapasulong ng diyalogo at kooperasyon ng mga bansang Silangang Asyano, at pagpapasulong ng kaunlaran at kasaganaan ng rehiyong ito, ani Wang.
Ipinahayag pa ni Wang na ang Tsina ay palagiang aktibong lumalahok at tagapagpasulong ng East Asia Cooperation. Sa kasalukuyang kalagayan, dapat palalimin ng 10 plus 3 ang pragmatikong kooperasyon upang mapasulong pa ang kooperasyong ito sa mas mataas na lebel at antas, dagdag pa niya.
Lubos namang pinapurihan ng mga kalahok na ASEAN Foreign Ministers ang ginagawang papel ng 10 plus 3. Umaasa anila silang patuloy na magsisikap ang Tsina, Hapon, at Timog Korea para tulungan ang ASEAN sa pagsasakatuparan ng komong kaunlaran at kasaganaan. Bumati rin sila sa pagtatamo ng 10 Plus 3 Leaders' Meeting ng mas maraming bunga na gaganapin sa Manila sa darating na Nobyembre.
Salin: Li Feng