|
||||||||
|
||
Beijing, Agosto 17, 2017 — Sa kanyang pakikipagtagpo kay Chairman of Joint Chief of Staff General Joseph Dunford, Tinukoy ni Fan Changlong, Pangalawang Tagapangulo ng Komisyong Militar ng Komite Sentral ng Partido Komunista ng Tsina (CPC), na lubos na pinahahalagahan ng mga lider ng dalawang bansa ang relasyon ng kanilang hukbo. Umaasa aniya silang magiging matatag na elemento ang relasyong ito sa pangkalahatang relasyong Sino-Amerikano.
Sinabi ni Fan na nitong ilang taong nakalipas, patuloy at malusog na umuunlad ang relasyon ng dalawang hukbo, at walang humpay na bumubuti ang konstruksyon ng mekanismo ng pagtitiwalaang militar. Ngunit, ang mga maling ginawa ng Amerika sa mga isyung gaya ng isyu ng Taiwan, pagde-deploy nito ng "Terminal High Altitude Area Defense (THAAD)" sa karatig-bansa ng Tsina, pagkilos ng mga barko pandigma at eroplano nito sa South China Sea, at pina-igting nitong obserbasyon sa karatig na teritoryong pandagat at panghimpapawid ng Tsina, ay nakakapagdulot ng malaking negatibong epekto sa relasyon ng dalawang hukbo at bilateral na pagtitiwalaan, aniya.
Kaugnay ng isyu ng Korean Peninsula, ipinagdiinan ni Fan na nananatili pa ring tangi at mabisang paraan ang diyalogo at pagsasanggunian, at hindi dapat maging opsyon ang paraang militar sa pagresolba sa isyung ito. Umaasa aniya ang panig Tsino na makakasama nito ang panig Amerikano, upang mapasulong ang magkakasamang pagkilos ng mga kaukulang panig sa nagkakaisang direksyon, at mapayapang malutas ang isyu ng Korean Peninsula.
Nagpahayag naman si Dunford ng pasasalamat sa ibinibigay na tulong ng Chinese Navy sa paghahanap at pagliligtas ng mga lumubog na tauhan ng American Navy. Aniya, komong hangarin ng dalawang bansa ang pagpapalalim ng pagpapalitan at pagtutulungan. Nakahanda aniya ang panig Amerikano na magsikap kasama ng panig Tsino, upang magkasamang mapasulong ang matatag at malusog na pag-unlad ng relasyon ng dalawang hukbo.
Salin: Li Feng
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |