Sa isang news briefing Huwebes, Oktubre 26, 2017, ipinahayag ni Tagapagsalita Gao Feng ng Ministring Komersyal ng Tsina, na kasalukuyang nagkakaroon ng positibong pagsasanggunian ang Tsina at Amerika upang ibayo pang mapalalim ang kooperasyong pangkabuhayan at pangkalakalan ng dalawang bansa. Bukod dito, ayon sa ulat ng Ika-19 na Pambansang Kongreso ng Partido Komunista ng Tsina (CPC), palalawagin ng Tsina ang market access. Ipinahayag ni Gao na ayon sa diwa ng kongresong ito, palalawakin ng Tsina ang pagbubukas sa labas para totohanang proteksyunan ang lehitimong karapatan at kapakanan ng mga dayuhang mangangalakal.
Nabatid na isasagawa ni US President Donald Trump ang state visit sa Tsina sa darating na Nobyembre. Nang mabanggit ang pangunahing temang pag-uusapan ng Tsina at Amerika, sinabi ni Gao na inaasahan ng panig Tsino na sa pamamagitan ng biyaheng ito at gagawing pagtatagpo ng dalawang lider, magkakaroon ng mas maraming pagkakasundo ang dalawang panig tungkol sa relasyong pangkabuhayan at pangkalakalan, at kooperasyong pangkabuhayan ng dalawang bansa.
Salin: Li Feng