|
||||||||
|
||
Manila, Pilipinas--Ipinahayag Miyerkules, Nobyembre 29, 2017 ni Zhao Jianhua, Embahador Tsino sa Pilipinas, na ang pagpapanatili ng pagkakaibigan at kooperasyon ng Tsina at Pilipinas ay magdudulot ng aktuwal na kapakanan sa kanilang mga mamamayan.
Embahador Zhao Jianhua ng Tsina sa Pilipinas
Sinipi ni Zhao ang sinabi ni Chairman Mao Zedong, dating lider ng Tsina, na nagsasabing ang mga kabataan ay parang araw sa alas-8 o alas-9 ng umaga. Sinabi rin niyang ang kinabukasan ng kooperasyon at pagkakaibigan ng Tsina at Pilipinas, ay nasa kamay ng bagong henerasyon.
Winika ito ni Zhao sa bangkete sa embahada para sa 43 estudyanteng Pilipino na ginawaran ng Chinese Ambassador Scholarship.
Ipinahayag ni Zhao na ang Ambassador Scholarship ay bahagi lamang ng mga hakbangin para pasulungin ang bilateral na relasyon ng dalawang bansa. Dagdag pa niya, binabalak ng embahada na isagawa ang pagbiyahe ng nasabing mga estudyante sa Tsina sa taong 2018 para maranasan ang pagkakaibigan at hospitalidad ng mga mamamayang Tsino.
Ang Chinese Ambassador Scholarship sa Pilipinas ay nasa ilalim ng Chinese Government Scholarship na itinatag noong 2014 para tulungan ang mga mahihirap na estudyanteng Pilipino.
Mga estudyanteng Pilipino
Ang nasabing 43 estudyante ay mula sa University of the Philippines (UP) Diliman at Philippine Normal University (PNU).
Ulat: Ernest at Sissi
Larawan: Ernest
Pulido: Mac
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |