Da Nang, Biyetnam — Sa kanyang pakikipagtagpo Sabado, Nobyembre 11, 2017, kay Pangulong Rodrigo Duterte ng Pilipinas, tinukoy ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina, na sapul nang isagawa ni Pangulong Duterte ang state visit sa Tsina noong Oktubre ng nagdaang taon, aktibong nagsasagawa ang dalawang panig ng kooperasyon. Aniya, ang malusog at matatag na pag-unlad ng relasyong Sino-Pilipino ay hindi lamang nakakapaghatid ng aktuwal na kapakanan sa kanilang mga mamamayan, kundi nakakapagbigay ng mahalagang ambag para sa kapayapaan at katatagang panrehiyon. Nakahanda ang panig Tsino na magsikap kasama ng panig Pilipino, upang mapalalim ang pagtitiwalaang pulitikal, mapatibay at mapalakas ang kooperasyon, at makapagbigay ng mas maraming kapakanan para sa mga mamamayan ng dalawang bansa, ani Xi.
Ipinagdiinan din ng pangulong Tsino na ang pag-unlad ng Tsina ay nangangailangan ng pangmalayuang mapayapa at matatag na kapaligirang panlabas. Igigiit aniya ng Tsina ang pagtahak sa landas ng mapayapang pag-unlad, at igigiit ang pagsasakatuparan ng kaunlaran sa proseso ng pagbubukas sa labas at kooperasyon. Ani Xi, sa kasalukuyan, nasa bagong simulang historikal ang relasyong Sino-Pilipino. Dapat aniyang palalimin ng dalawang panig ang paglalagayan sa mataas na antas, palalimin ang pag-uunawaan at pagtitiwalaan, at palakasin ang estratehikong pamumuno, upang maigarantiya ang pagsulong ng relasyon ng dalawang bansa sa tumpak na direksyon.
Ipinahayag ni Xi ang kahandaang magbigay-tulong sa Pilipinas sa pagbibigay-ayuda sa mga mahihirap, at patuloy na kakatigan ang ginagawang pagsisikap ng Pilipinas sa pangangalaga sa seguridad ng bansa. Patuloy na magsisikap ang Tsina, kasama ng mga bansa ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) para mapangalagaan ang kapayapaan, katatagan, kaunlaran, at kasaganaan sa South China Sea, dagdag pa niya.
Ipinahayag naman ni Pangulong Duterte na napakahalaga ng relasyong Pilipino-Sino. Pinasasalamatan aniya ng Pilipinas ang ibinibigay na tulong ng Tsina sa mga aspektong gaya ng konstruksyon ng kabuhayan, at paglaban sa terorismo. Ani pangulong Pilipino, nagsisikap ang Pilipinas para mapasulong ang kooperasyong Pilipino-Sino sa iba't-ibang larangan. Ayon sa narating na pagkakasundo ng dalawang panig, nakahanda ang Pilipinas na magsikap kasama ng Tsina para maayos na mahawakan ang maritime issue sa bilateral na tsanel, dagdag niya.
Salin: Li Feng