Disyembre 20, 2017, bumisita si Lv Jian, Embahador ng Tsina sa Thailand sa palasyo ng Punong Ministro ng Thailand, kinatagpo siya ni Prayuth Chan-ocha ng Thailand.
Ipinahayag ni Lv na sapul nang manungkulan si Prayuth Chan-ocha bilang PM, aktibong napasulong ang iba't ibang reporma, at nagtamo ng maliwanag na bunga ang pangangalaga ng katatagan sa pulitika, pagpapa-unlad ng kabuhayan, at pagpapabuti ng harmoniya ng lipunan. Aniya, pinapupurihan ito ng Tsina. Sa kasalukuyan, kapuwa ang Tsina at Thailand ay nasa mahalagang yugto ng pag-unlad, at kinakaharap ang mga pagkakataon, aniya pa. Sa hinaharap, dapat aniyang palalimin ang pag-uugnay ng mga patakaran ng isa't isa, at isagawa ang mga pragmatikong kooperasyon sa mas mataas na antas na may mutuwal na kapakinapangan. Sinabi niyang pinahahalagahan ng Tsina ang mahalagang papel ng Thailand sa pagpapasulong ng Lancang-Mekong Cooperation (LMC) at kooperasyon sa pagitan ng Tsina at Association of Southeast Asian Nations (ASEAN). Nakahanda rin aniyang magsikap ang Tsina, kasama ng Thailand, para maisakatuparan ang komong pag-unlad ng rehiyong ito.
Samantala, sinabi ni Prayuth Chan-ocha na lubos na pinahahalagahan ng Thailand ang relasyong pangkaibigan sa Tsina. Lagi aniyang nananangan ang Thailand sa patakarang "Isang Tsina," kumakatig sa "Belt and Road" Initiative at "Made in China 2025" Plan. Winiwelkam ng Thailand ang mas maraming bahay-kalakal ng Tsina na lumahok sa konstruksyon ng "Eastern Economic Corridor" ng Thailand, aniya. Nakahanda aniya siyang patuloy na pasulungin, kasama ng Tsina, ang relasyon ng ASEAN at Tsina at LMC sa bagong yugto.
salin:Lele