|
||||||||
|
||
Nilagdaan nitong Sabado, Hunyo 16, 2018 ang Memorandum of Understanding para sa Pagtatatag ng Belt and Road Film Festival Alliance sa Crowne Plaza Hotel, Shanghai. Lumagda rito ang 31 na signataryo na kinabibilangan ng pinuno ng mga film festival organizations mula sa Tsina, Pilipinas, Indonesia, Thailand, Malaysia, Estados Unidos, Canada, India at iba pa. Ang seremonya ay bahagi ng Belt and Road Film Week ng Ika-21 Shanghai International Film Festival (SIFF).
Si Ed Lejano, Festival Director ng Quezon City Film Festival o QCinema
Kinatawan ng Pilipinas si Ed Lejano, Festival Director ng Quezon City Film Festival o QCinema. Sa eksklusibong panayam ng CRI Filipino Service, sinabi niyang napakahalaga ng pakikipag-alyansa, lalung-lalo na sa panahong ito, dahil ang cultural diplomacy sa pamamagitan ng pagpapalitan ng mga pelikula ay mas makakapagpalalim ng ugnayan, lalo pa't dumaan ang Tsina at Pilipinas sa ilang pagsubok kamakailan. Kinilala niya bilang napakahalagang kasangkapan ang Belt and Road Alliance sa pagpapabuti ng relasyon ng dalawang panig.
Sa Agosto ngayong taon ani Lejano idaraos ang Philippine Film Week sa Shanghai, samantalang sa 2019 naman, gaganapin ang Chinese Film Week sa Pilipinas.
Inanyayahan din niya ang mga Chinese filmmakers na lumahok sa QCinema sa Oktubre, at sa pamamagitan nito buksan ang pagkakataon para simulan ang co-productions sa pagitan ng Tsina at Pilipinas. Malugod din niyang ibinalita ang pagpapalabas ng mga pelikulang Tsino sa People's Television Network, matapos ang paglulunsad ng China Theatre nitong Hunyo 13, 2018 sa Maynila.
Ang mga ito ay tunay na bunga ng alyansa sa ilalim ng Belt and Road, aniya pa.
Si Dewi Umaya, Deputy Chairman ng Indonesian Film Board
Samantala ayon naman kay Dewi Umaya, Deputy Chairman ng Indonesian Film Board, mahalaga ang alyansang ito dahil lumalaki ang industriya ng pelikula ng kanyang bansa, at sa tulong ng alyansa, maaring ipakilala ang mayamang kulturang Indones sa buong mundo. Aniya, napakalawak ng saklaw ng Shanghai International Film Festival, at sa tulong nito marami siyang nakikilala mula sa film distribution companies mula sa iba't ibang bahagi ng daigdig.
Nilalagdaan ni Ed Lejano ang kasunduan ng Belt and Road Film Festival Alliance
Lagda ni Ed Lejano bilang pagkatig sa layunin ng Belt and Road Film Festival Alliance
Layunin ng Belt and Road Film Festival Alliance ang pag-ibayuhin ang pagpapalitang kultural sa pamamagitan ng mga pelikula, pabutihin ang komunikasyon at pagkaunawa sa mga kaugalian at tradisyon ng mga kasaping bansa, isulong ang pagkakaroon ng mga pestibal, pag-ibayuhin ang pagrerekominda ng mga hurado sa mga pestibal, palakasin ang kolaborasyon sa paggawa at pagpapalabas ng pelikula, at itatag ang pagpapalitan ng impormasyon sa pagitan ng mga pestibal at pampelikulang organisasyon.
Ang lahat ng mga signataryo at mga opisyal na Tsino sa seremonya ng paglalagda na ginanap sa Crowne Plaza Hotel, Shanghai
Dumalo sa seremonya ng paglalagda sina Shen Haixiong, Pangalawang Ministro ng Publicity Department ng Komite Sentral ng Partido Komunista ng Tsina (CPC) at Presidente ng China Media Group, Zhou Huilin, Puno ng Publicity Department ng Shanghai, Weng Tiehui, Pangalawang Mayor ng Shanghai at iba pang opisyal na Tsino.
Ulat: Mac Ramos
Larawan : Vera
Web Editor: Lito
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |