Binuksan Hulyo 27, 2018, ang Pagsasanay ng mga Opisyal ng Secretariat ng 6 na Bansang Kasapi ng Lancang-Mekong Cooperation (LMC) dito sa Beijing. Magkakasunod na ipinahayag ng mga kalahok na pasusulungin ang pagsasakatuparan ng mga komong palagay na nakamit ng ika-2 Summit ng LMC, sa pamamagitan ng pagsasanay. Bukod dito, pahihigpitin din anila ang kooperasyon ng lahat ng kasapi.
Sa kanyang talumpati sa seremonya ng pagbubukas, sinabi ni Jiang Zaidong, Pangalawang Direktor ng Dibisyon ng Asya ng Ministring Panlabas ng Tsina na nitong 2 taong nakalipas, sapul nang simulan ang mekanismo ng LMC, ito ay nagiging isa sa mga mekanismong pangkooperasyon na may pinakamalaking sigla at potensyal sa Greater Mekong Sub-Region (GMS).
Ang pagsasanay ay tatagal ng 12 araw. Ito ay nasa pagtataguyod ng Secretariat ng LMC ng Tsina, kasama ng Beijing Foreign Studies University (BFSU) at Tanggapan ng mga Suliraning Panlabas ng Munisipal na Pamahalaan ng Shenzhen. Kalahok naman sa pagsasanay at paglalakbay-suri sa Beijing at Shenzhen ang mga opisiyal mula sa Secretariat ng LMC at mga may kinalamang departamento ng Tsina, Kambodya, Laos, Myanmar, Thailand at Biyetnam. Dumalo rin ang mga kalahok sa unveiling ceremony ng Sentro ng Pananaliksik ng LMC sa BFSU.
salin:Lele