Huwebes, Nobyembre 8, 2018, ipinahayag ni Tagapagsalita Hua Chunying ng Ministring Panlabas ng Tsina na hinahangaan ng Tsina ang positibo't konstruktibong pakikitungo ng Pilipinas sa pagsasanggunian sa isyu ng South China Sea (SCS).
Ayon sa ulat, ipinahayag kamakailan ni Teodoro Locsin, Kalihim ng Ugnayang Panlabas ng Pilipinas, na pinapasulong ng Tsina at Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) ang kaukulang talastasan ng Code of Conduct (CoC) in the South China Sea, batay sa kahanga-hangang mapagkaibigang atityud. Aniya, posibleng patuloy na umiral ang pagkakaiba ng pananaw sa karagatang ito, ngunit hindi ito dapat humadlang sa komong pagsisikap ng iba't ibang panig, at hindi rin dapat maging sagabal sa pagsasagawa ng kooperasyong may mutuwal na kapakinbangan sa ibang larangan.
Kaugnay nito, tinukoy ni Hua na ang kapayapaan at katatagan ng South China Sea ay angkop sa komong interes ng mga bansa sa rehiyong ito, at ito'y nagsisilbing komong hangarin at responsibilidad ng mga bansa sa rehiyon. Aniya, patuloy na aktibong pasusulungin ng Tsina, kasama ng mga bansang ASEAN na kinabibilangan ng Pilipinas, ang pagsasanggunian hinggil sa CoC at pragmatikong kooperasyong pandagat, at patitibayin ang kasalukuyang mainam na tunguhin.
Salin: Vera