|
||||||||
|
||
Sa pakikipag-usap sa telepono nitong Sabado, Mayo 18, 2019 kay Mike Pompeo, Kalihim ng Estado ng Estados Unidos, ipinahayag ni Wang Yi, Kasangguni ng Estado at Ministrong Panlabas ng Tsina, na nitong ilang araw na nakalipas, ang mga isinasagawang pananalita at kilos ng panig Amerikano sa iba't-ibang aspekto ay nakakapinsala sa interes ng panig Tsino. Kabilang aniya sa mga ito ay pagsira sa normal na takbo ng negosyo ng mga bahay-kalakal Tsino sa paraang pulitikal. Aniya, tinututulan ang mga ito ng panig Tsino.
Ani Wang, hinihimok ng Tsina ang Amerika na baguhin ang mga gawain para maiwasan ang ibayo pang pagkapinsala ng relasyong Sino-Amerikano.
Tinukoy pa niya na sa mula't mula pa'y naninindigan ang panig Tsino na lutasin ang alitang pangkabuhayan at pangkalakalan sa pamamagitan ng talastasan at pagsasanggunian. Ngunit dapat maging pantay ang talastasan, aniya. Sa anumang talastasan, dapat pangalagaan ng panig Tsino ang lehitimong kapakanan ng estado, tugunan ang unibersal na panawagan ng mga mamamayan, at ipagtanggol ang saligang norma ng relasyong pandaigdig, dagdag pa niya.
Tungkol sa isyu ng Taiwan, ipinagdiinan ni Wang na hinihimok ng panig Tsino ang panig Amerikano na tupdin ang prinsipyong "Isang Tsina," at tatlong magkakasanib na komunike ng Tsina at Amerika para maingat at maayos na hawakan ang mga isyung may kinalaman sa Taiwan.
Bukod dito, nagpalitan ng kuru-kuro ang dalawang panig hinggil sa mga isyung panrehiyon at pandaigdig. Ipinagbigay-alam naman ni Pompeo kay Wang ang palagay ng panig Amerikano sa pinakahuling kalagayan ng isyu ng Iran.
Salin: Li Feng
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |