|
||||||||
|
||
Tian'anmen Square, Beijing — Idinaos Martes, Oktubre 1, 2019 ang maringal na selebrasyon ng ika-70 Anibersaryo ng Pagkakatatag ng Republika ng Bayan ng Tsina na naging tampok ng buong daigdig.
Sa kanyang talumpati sa selebrasyon, tinukoy ni Xi Jinping, Pangkalahatang Kalihim ng Komite Sentral ng Partido Komunista ng Tsina (CPC), Pangulo ng bansa, at Tagapangulo ng Komisyong Militar ng Komite Sentral ng CPC, na nitong 70 taong nakalipas, natamo ng Tsina ang dakilang tagumpay. Sa proseso ng pagsulong, dapat aniyang tupdin ng Tsina ang limang "paggigiit" para walang humpay na matugunan ang hangarin ng mga mamamayan sa magandang pamumuhay, patuloy na magsikap para sa pagsasakatuparan ng ganap na unipikasyon ng bansa, at patuloy na magsikap kasama ng mga mamamayan ng iba't-ibang bansa ng daigdig para maitatag ang Komunidad ng Komong Kapalaran ng Buong Sangkatauhan.
Noong unang araw ng Oktubre, 1949, naitatag ang Republika ng Bayan ng Tsina na bumago sa miserableng kalagayan ng bansa na sinupil ng isang daang taong panghihiya ng ibang bansa. Sa ngayon, bunga ng magkakasamang pagpupunyagi ng mga mamamayang Tsino, nakalikha ang Tsina ng kapansin-pansing tagumpay na ikinasindak ng buong daigdig, at nakakapagbigay ito ng napakalaking ambag para sa pagpapasulong ng mapayapang pag-unlad ng sangkatauhan.
Ipinagdiinan ni Pangulong Xi na sa proseso ng pagsulong ng Tsina, dapat nito tupdin ang limang "paggigiit" kung saan inilabas ang malinaw na signal sa buong sambayanang Tsino at ibang bansa at ipinakikita ang determinasyon at malakas na kusang-loob ng Tsina sa pagharap sa kinabukasan. Kabilang sa nasabing limang "paggigiit" ay dapat igiit ang pamumuno ng CPC, igiit ang pangunahing katayuan ng mga mamamayan, igiit ang landas ng sosyalismong may katangiang Tsino, igiit ang patakarang "Mapayapang Unipikasyon, at Isang Bansa, Dalawang Sistema," at igiit ang landas tungo sa mapayapang pag-unlad na siya ring pangako ni Xi sa ngalan ng CPC, para sa buong daigdig.
Buong tinding naniniwala ang mga mamamayang Tsino na kung itataas ang watawat ng pagkakaisa, tutupdin ang nasabing limang "paggigiit," walang anumang puwersa ang makahahadlang sa katayuan ng Tsina, at walang anumang puwersang makahahadlang sa pag-usad ng mga mamamayan at Nasyong Tsino. Isang Tsina na gumigiit sa mapayapang pag-unlad at prinsipyo ng kooperasyon at win-win na resulta, ay makakapagbigay ng mas maliwanag na sinag para sa kapayapaan at kaunlaran ng buong mundo.
Salin: Lito
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |