Sa inilabas na SONA kamakailan ni Pangulong Rodrigo Duterte ng Pilipinas, ipinahayag niya na patuloy na igigiit ng kanyang bansa ang nagsasariling patakarang panlabas, at hindi ito papanig sa pagitan ng Tsina at Amerika. Aniya, hindi susuportahan ng Pilipinas ang pagbalik ng Amerika sa baseng militar ng Pilipinas, at hindi isasagawa ang konprontasyon sa Tsina sa isyu ng South China Sea. Bukod dito, umaasa aniya siyang matapos matagumpay na makagawa ang Tsina ng bakuna ng corona virus, ipagkakaloob ito sa panig Pilipino.
Kaugnay nito, ipinahayag sa Beijing nitong Martes, Hulyo 28, 2020 ni Tagapagsalita Wang Wenbin ng Ministring Panlabas ng Tsina, na ang anumang bansa ay mayroong karapatan ng paggigiit ng nagsasariling patakarang panlabas at sariling pagpapaunlad ng relasyon sa ibang bansa batay sa pambansang kapakanan nito. Aniya, ang mga kaukulang patakaran at paninindigan ni Pangulong Duterte ay hindi lamang angkop sa pundamental na interes ng mga mamamayang Pilipino, kundi maging sa komong inaasahan ng mga bansa sa rehiyong ito, at tunguhin ng mapayapang pag-unlad sa siglong ito.
Sinabi ni Wang na di nagbabago at malinaw ang posisyon ng panig Tsino sa isyu ng South China Sea. Hinahangaan aniya ng panig Tsino ang nasabing posisyon ni Pangulong Duterte. Nakahanda itong maayos na hawakan ang hidwaang pandagat nila ng panig Pilipino sa pamamagitan ng bilateral at mapagkaibigang pagsasanggunian, ani Wang.
Idinagdag pa ni Wang na sapul nang sumiklab ang COVID-19 pandemic, magkasamang nagsisikap at nagtutulungan ang Tsina at Pilipinas sa pakikibaka laban sa epidemiya. Ito aniya ay nagiging bagong tampok ng relasyong Sino-Pilipino. Ang Pilipinas ay mapagkaibigang kapitbansa ng Tsina, at nakahanda ang panig Tsino na isaalang-alang muna ang pangangailangan ng panig Pilipino sa aspekto ng bakuna ng COVID-19, diin pa ni Wang.
Salin: Lito