|
||||||||
|
||
Pagpapahalaga sa buhay at agarang tugon ng Tsina sa pagkakaloob ng bakuna
Beijing – Nang tumama ang pandemiya, napagdesiyunan kong bigyan ng higit na pagpapahalaga ang buhay, higit sa ano pa man. Ito ang ipinahayag ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte, sa mga unang bahagi ng kanyang Ikalimang State of the Nation Address (SONA), Hulyo 27, 2020, sa Batasang Pambansa.
Ani Duterte, "Tayo ngayon ay nabubuhay sa panahong puno ng hamon, at ang ating pangarap sa pagkakaroon ng masaganang bansa ay biglang naudlot ng pandemiyang napakabilis makahawa."
Pero aniya, sa lalong madaling panahon, ang virus na lumamon sa libu-libong buhay ay maihihimlay na sa wakas, dahil malapit nang mailabas ang bakunang pupuksa rito.
Kung paano at saan kukunin ang bakuna, sinabi ni Duterte na "Ito ay isang pandaigdigang pangangailangan at lahat ay gustong makuha ito. Pero, mga 4 na araw na ang nakaraan, pinaki-usapan ko si Pangulong Xi Jinping ng Tsina, na kapag mayroon nang bakuna, kung maaari ay isa tayo sa mga unang mabibigyan."
Samantla, mabilis namang tinugunan ng Tsina ang nasabing pananalita ni Pangulong Duterte.
Ipinahayag kinabukasan, Hulyo 28, 2020 sa Beijing, ni Wang Wenbin, Tagapagsalita ng Ministring Panlabas ng Tsina, na "Ang Pilipinas ay isang matalik na kaibigang kapitbansa, at bibigyan natin ng priyoridad ang mga pangangailangan nito sa sandaling magtagumpay tayo sa pagdedebelop ng bakuna."
Dagdag ni Wang, mula nang pumutok ang pandemiya ng COVID-19, magkapit-bisig na nagtutulungan ang Tsina at Pilipinas, at dahil sa anti-epidemikong kooperasyong ito, lalo pang napasigla ang bilateral na relasyon ng dalawang bansa.
Matatandaang nag-usap sa telepono, Hunyo 11, 2020 sina Pangulong Xi Jinping ng Tsina at Pangulong Rodrigo Duterte, sa bisperas ng ika-45 anibersaryo ng pagkakatatag ng relasyong diplomatiko ng dalawang bansa.
Sa nasabing pag-uusap, siniguro ni Pangulong Xi kay Pangulong Duterte, na priyoridad ang Pilipinas sa sandaling maisapinal ng Tsina ang bakuna, at ito ay magiging isang "pandaigdigang kabutihang pampubliko" para matiyak na ang mga umuunlad na bansa ay magkakaroon ng akses sa bakuna sa abot-kayang presyo.
Kamakailan ay sinimulan ng dalawang kompanyang Tsino, na China National Biotech Group Co. Ltd. (CNBG) at Sinovac Biotech Ltd., ang kanilang phase 3 human clinical trial para sa kani-kanilang potensyal na bakuna.
Samantala, inaprubahan ng pamahalaang Pilipino ang pagsasagawa sa Pilipinas ng mga clinical trial ng ilang kandidatong bakuna ng Tsina.
Sa kabilang dako, sinabi ni Duterte, na nagkaroon ng mga kahirapan sa pagkuha ng mga kagamitan sa pagsusuri noong unang dako ng pandemiya sa Pilipinas, pero ngayon ay mayroon nang 93 accredited testing laboratories sa buong bansa at nais niyang masuri ang 1.4 milyong indibiduwal sa katapusan ng Hulyo.
Sa ilalim naman ng Social Amelioration Program, sinabi ni Duterte na inilaan ng gobyerno ang PhP205 bilyon para sa mahihirap at may mababang kitang pamilya na apektado ng pandemiya.
Inamin ni Duterte na hindi perpekto ang implementasyon ng Social Amelioration Program at ilang mga oportunista ang nakalusot, at ginamit ang pandemiya para sa kanilang personal na interes.
Dahil dito, ipinahayag ni Duterte na nagkaroon ng pag-aakma sa COVID-19 Program at pinalawak ang financial assistance sa mahigit 650,000 na apektadong indibiduwal sa pormal na sektor, 110, 000 overseas foreign worker (OFW) na nasa ibang bansa, at halos 83,000 na repatriated OFW.
Bukod dito, mayroon ding pansamantalang wage employment opportunities para sa mga displaced marginalized worker sa ilalim ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced (TUPAD) Project, at ang mahihirap na matatanda ay binigyan din ng ayuda sa unang semestre ng taong ito.
Lahat ito, ani Duterte ay nakapagpaunat sa yaman ng pamahalaan sa sukdulang limitasyon, kaya naman nakikipagtulungan ngayon ang Tanggapan ng Pangulo sa Kongreso upang mabilis na maipasa ang Bayanihan to Heal as One Act [RA 11469] upang mas mabigyan ng suplementong pondo ang responde laban sa negatibong epekto ng COVID-19 pandemic.
Isyung pandagat
Sinabi ni Pangulong Duterte, na ipagpapatuloy ng Pilipinas ang pakikipagtulungan sa ibat-ibang bansa upang maisigurado ang kaligtasan, progreso, at kasaganaan ng mga Pilipino.
"Ipagpapatuloy natin ang pagtahak sa isang indipendiyenteng patakarang panlabas," pahayag niya.
Ani Duterte, nalaman niya na gustong bumalik sa Subic ng mga Amerikano at hindi niya ito papayagan dahil napakadelikado nito para sa mga mamamayang Pilipino.
Kung maglalagay ka ng base diyan sa panahong ito, kung magkakaroon ng digmaan, siguradong mamamatay lahat ang lahing Pilipino, aniya.
Samantala, sinabi ni Duterte na patuloy na magpupunyagi ang Pilipinas para pangalagaan ang karapatan ng mga Pilipino sa South China Sea.
Ipingdiinan pa niyang hindi magiging sunud-sunuran ang Pilipinas kaninuman, pero, nakahanda aniya ang bansa na makipagtulungan sa sinuman at resolbahin ang anumang di-pagkakaunawaan base sa mutuwal na paggagalangan at respeto.
Ipinahayag pa niya na ang pinakamagandang paraan para resolbahin ang isyu ng South China Sea ay sa pamamagitan ng diplomatikong paraan.
Kaugnay nito, sinabi sa Beijing, Hulyo 28, 2020 ni Wang Wenbin, Tagapagsalita ng Ministring Panlabas ng Tsina, na lahat ng bansa sa mundo ay may karapatang magsulong ng indipendiyenteng patakarang panlabas at magdebelop ng relasyong panlabas na magsusulong sa pambansang interes, at ang pahayag ni Pangulong Duterte ay naaayon sa mga pundamental na interes ng Pilipinas, pinagbabahaginang aspirasyon ng mga bansa sa Timog-silangang Asya at tunguhin ng panahon para sa kapayapaan at pag-unlad.
Aniya pa, ang tama at diplomatikong paraan ng paghawak sa isyu ng South China Sea ay hindi lamang makakabuti sa interes ng kapuwa Tsina at Pilipinas, ito rin ay mainam para sa rehiyonal na kapayapaan at istabilidad.
Nagagalak aniya ang Tsina sa pahayag ni Pangulong Duterte, at lagi itong nakahanda sa maayos na pagresolba sa isyung pandagat sa pamamagitan ng mapagkaibigang konsultasyon, para magkasamang mapangalagaan ang katatagan ng naturang karagatan at buong rehiyon.
Muling pagsisimula ng ekonomiya sa gitna ng pandemiya
Para makontrol ang negatibong epekto ng COVID-19 at muling pasimulan ang makinaryang pang-ekonomiya, nanawagan si Duterte sa Kongreso na pabilisin ang pagsasabatas ng mga panukala na tulad ng Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises Act (CREATE) at Financial Institutions Strategic Transfer Act (FIST).
Ang CREATE Act aniya ay mabilis na magpapaliit sa corporate income levy mula sa kasalukuyang 30 hanggang 25 porsiyento, at magbibigay sa gobyerno ng pleksibilidad upang makapagkaloob ng kombinasyon ng fiscal at non-fiscal incentives, at marami pang iba sa mga pribadong negosyo.
Sa katulad na paraan, sa sandaling maisabatas ang FIST Act, ito ay gagawa ng mekanismo na magpapahintulot sa mga bangko at iba pang pinansiyal na institusyon upang magbenta o maglipat ng mga non-performing assets at utang sa mga asset management company na tulad ng Special Purpose Vehicles.
Ayon sa mga economic manager ng Pilipinas, ang infrastructure investment ay epektibong kagamitan upang muling mapalakas ang paglaki ng ekonomiya, umakit ng investment, gumawa ng trabaho, at magsisilbing behikulo para maabot ng mga Pilipino ang inaasam na pag-unlad.
Kaya naman, ipinagmalaki ni Duterte na muli nang sinimulan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang konstruksyon ng ilang malalaking proyektong gaya ng North Luzon Expressway Harbor Link, NLEX-SLEX Connector, Cavite-Laguna Expressway, Metro Manila Skyway Stage 3, R-1 Bridge Project, Tarlac-Pangasinan-La Union Expressway Project, at Subic Freeport Expressway Project.
Anang pangulo, ang mga proyektong nasa ilalim ng Build, Build, Build Program, na labor at capital intensive ay mga benepisyong pang-ekonomiya na ibabahagi sa lahat ng sulok ng bansa at magtutulak ng sustenabilidad sa mga sentrong panlunsod, partikular sa Metro Manila.
Upang mabigyan naman ng kinakailangang kakayahan ang mga manggagawang Pilipino, sinabi ng pangulo na inilunsad ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) ang isang online mode of livelihood and skills training.
Sa ilalim nito, mayroong 71 libreng online training na magtuturo sa mga Pilipino upang umakma ang kanilang kalinangan sa mga tarabahong may mataas na pangangailangan.
Para sa mga OFW, ipinahayag ng pangulo ang matinding paghimok sa Kongreso upang ipasa, sa lalong madaling panahon ang batas na magtatayo sa Department of Overseas Filipinos upang mapangalagaan ang kapakanan ng mga OFW at kanilang mga pamilya.
Hiniling ni Duterte sa TESDA na gumawa ng isang espesyal na pagsasanay para sa mga OFW upang bigyan sila ng kakayahan para makahanap ng trabaho sa Pilipinas.
Bukod dito, hinimok ng pangulo sa Commission on Higher Education (CHED) na bigyan ng scholarship ang mga kuwalipikadong dependent ng mga OFW.
Inatasan ni Duterte ang Department of Agriculture (DA) at Department of Trade and Industry (DTI) na maglabas ng agri-business at entrepreneurship project para tulungan ang mga displaced OFW upang muling maitayo ang kanilang kabuhayan.
Dagdag pa riyan, hiniling din ng pangulo sa LANDBANK at iba pang government financial institution na ipagpatuloy ang pagbibigay ng mababang interes na pautang sa mga OFW.
"Sa mga kababayan ko na naghihirap sa ibang bansa, nandito ang inyong gobyerno para tulungan kayo at inyong mga pamilya, lalo na sa panahong ito," pahayag ng punong ehekutibo.
Upang mapalakas ang mga pribadong negosyo, sinabi ni Pangulong Duterte na pag-iibayuhin ng pamahalaan ang mga hakbang tungo sa muling pagbangon ng mga ito, lalung-lalo na ng mga micro, small and medium enterprises (MSME), sa pamamagitan ng pagbibigay ng responsibong ayuda at serbisyo, capitalization, at business operations support.
"Nananawagan po ako sa ating mga lessors: malasakit at bayanihan po sana ang pairalin natin ngayon. Ito ay hindi panahon upang ipagtabuyan ang mga umuupa," mariing pahayag ng pangulo.
Ani Duterte, sa normal na panahon, ang mga umuupa ng puwesto para sa negosyo ang pangunahing pinanggagalingan ng kita ng mga nagpapaupa, kaya naman, nararapat lamang ngayon na maging patas at mapagmalasakit sa kapuwa.
"Huwag po natin silang ipagtabuyan, tanggalan ng tubig, kuryente, at bubong," dagdag pa niya.
Hiniling din ng pangulo sa mga establisyementong komersyal na magbigay ng palugit o hayaan munang huwag magbayad ang mga negosyo, lalung-lalo na ang mga MSME na nagsara dahil sa pandemiya.
"Tulungan natin silang muling makatayo," ani Duterte.
Sa parte ng pamahalaan, sinabi ng pangulo, na sa pamamagitan ng Small Business Corporation, itinayo na ng DTI ang PhP1-bilyon COVID-19 Assistance sa Restart Enterprises (CARES) Program para makapagbigay ng sero-interes na pautang para sa mga MSME na apektado ng pandemiya.
Hanggang Hulyo 10, 2020, mahigit 2,600 na aplikasyong nagkakahalaga ng PhP182.5 milyon ang naaprubahan na.
Optimistiko si Pangulong Duterte, na sa pamamagitan ng inisyatibong ito, matutulungan ang mga MSME na muling makabawi sa kanilang pagkalugi.
Bukod pa rito, pinaki-usapan din ng punong ehekutibo ang Bangko Sentral ng Pilipinas at iba pang pang bangko sa bansa na magbigay ng regulatory relief para sa mga MSME at palugitan ang panahon ng kanilang pagbabayad ng utang, nang walang karagdagang singil – bagay na muling umani ng malakas na palakpakan mula sa lahat na naroroon sa pagtitipon.
"Ito ang panahon para suportahan natin ang ating mga kababayan na nagnenegosyo at gumagawa ng mga produktong sariling atin," mariing saad ng pangulo.
Sa larangan ng turismo, sinabi ni Duterte na unti-unting ibabalik ang saya sa pagbibiyahe, at kasabay nito, palalakasin ng mga ahensiya ng pamahalaang nasyonal at mga lokal na pamahalaan ang kanilang mga hakbang upang maisulong muli ang turismo, habang isinisigurado ang kaligtasan ng lahat ng nagbibiyahe.
"Inaanyayahan ko ang lahat ng mamamayang Pilipino na magbiyahe sa loob ng bansa, sa sandaling maisaayos ang mga kinakailangang sistema," anang pangulo.
Hinggil sa Boracay, sinabi ni Duterte na kahanga-hanga ang muling pagbalik sa dating ganda ng lugar, at nais niya itong magpatuloy.
Para rito, pinaki-usapan niya ang Kongreso na ipasa ang batas na magtatayo sa Boracay Island [Development] Authority (BIDA) .
Balik-eskuwela sa panahon ng pandemiya
"Habang wala pa ang bakuna sa COVID-19, hindi ko papayagan ang pagkakaroon ng tradisyonal na face-to-face na pagtuturo," pahayag ng pangulo.
Aniya, kailangang maimplimenta ang online learning, modular learning, at TV at radiobased broadcast education, na abot-kaya ng lahat ng Pilipino.
Magbibigay rin ang Department of Education ng (DepEd) ng mga inimprentang module para sa mga hindi talaga puwede sa online learning, dagdag pa ng pangulo.
Maliban pa riyan, sinabi ni Duterte na itinatayo na ng DepEd at Department of Information and Communications Technology (DICT) ang Public Education Network (PEN) na siyang magkokonekta sa lahat ng pampublikong paaralan at tanggapan ng DepEd sa buong bansa.
"Bibigyang priyoridad ang lahat ng Last Mile School, at ang mga paaralang walang elektrisidad ay magkakaroon ng PEN sa pamamagitan ng satellite at solar panel. Sa 2022, bago ako bumaba sa puwesto, ang PEN ay magiging katotohanan," saad ng punong ehekutibo.
Mga tiwaling pulitiko at oligarko sa panahon ng pandemiya
"Nakalulungkot isipin, na habang nakapokus ang atensyon at yaman ng pamahalaan sa paglaban sa coronavirus, may mga taong sinasamantala ang pagkakataon ito. Isa riyan ay si Senador Frank Drilon," galit na pahayag ni Duterte.
Anang pangulo, sa isang panayam, mayabang na sinabi ni Drilon na hindi naman kailangang maging mayaman ang mga oligarko, at ini-ugnay pa niya ang sistema ng anti-dynasty sa oligarkiya at ginawa pang paksa ang anak na babae at lalaki ni Duterte .
Dagdag ng pangulo, ito ay nangyari matapos i-deny ng Committee on Franchise ang prangkisa ng ABS-CBN sa botong 70-11.
"Halatang-halata na ipinagtatanggol niya [Drilon] ang pamilya ng mga Lopez, [at tinatangkang sabihing] hindi sila mga oligarko," anang pangulo.
Ani Duterte, isang makapangyarihang kagamitan sa kamay ng mga oligarkong tulad ng pamilya Lopez ang media dahil ginagamit nila ito sa kanilang pakikipagtunggali sa mga politiko, at isa siya sa mga nasalahula ng mga Lopez noong 2016 Pambansang Eleksyon.
Ilegal na droga at korupsyon sa panahon ng pandemiya, hindi palalampasin
Katulad din ng ilang pulitikong nananamantala sa pananalasa ng COVID-19, tulad ni Senador Drilon, pinalakas din ng mga drug dealer ang kanilang mga aktibidad habang nagtatago sa anino ng pandemiya, saad ng pangulo.
"Ang milyun-milyong pisong halaga ng shabu na nasamsam ng mga pulis ay umaalingawngaw na sigaw na nagpapatunay kung gaano kalaki ang problemang kinakaharap natin," pahayag ng punong ehekutibo.
Bukod dito, sinamantala rin aniya ng mga korakot sa gobyerno ang takot at pagkalitong dala ng coronavirus, at hindi nila pinalampas ang nasa bilyong pisong financial at material assistance ng pamahalaan para sa mga nawalan ng trabaho, mga nagkasakit, at nahihirapan sa buhay.
"Kahit ang mga donasyon mula sa mga may ginintuang-pusong pribadong institusyon ay sinala ng mga [korakot na opisyal] bago makarating sa mga benepisyaryo," mariing saad ng pangulo.
Aniya, ang gawaing ito ay tulad ng pagnanakaw ng pagkain mula sa bibig ng isang sanggol.
Dagdag niya, marahil humahagakhak ang mga profiteer, mga nagsasamantala sa presyo, at mga korakot na opisyal habang ibinubulsa ang perang kanilang nakulimbat, pero, hindi ito magtatagal at hindi nila matatakbuhan ang mahabang kamay ng batas.
Mga pag-unlad na naisakatuparan
Ilan sa mga pag-unlad na naisakatuparan tungo sa pagpapabuti ng pamumuhay ng mga mamamayan ay:
Mahigit 4.3 milyong mahirap na pamilyang benepisyaryo ng Pantawid Pamilya
Mahigit 9.2 milyong nakatanggap ng subsidiya sa ilalim ng Unconditional Cash Transfer program
Libreng tertiary education at universal health care.
Tulong na naipagkaloob sa mga tsuper ng pampublikong transportasyon sa pamamagitan ng Pantawid Pasada Program
Pagpapaliban ng halalang pambarangay – sa pamamagitan nito malaking pondo ang naisalba at nagamit sa implementasyon ng mga proyekto sa ilalim ng mga kasalukuyang opisyal ng barangay.
Pagsasabatas ng Malasakit Centers Act na malaking tulong sa mga nangangailangan ng serbisyong medikal. Sa ngayon mayroon nang 75 Malasakit Center na nagsisilbi sa mga Pilipino sa buong bansa
Salary Standardization Law of 2019 na nagpataas ng sahod ng mga sibilyang trabahador ng pamahalaan
Batas na magtatayo ng National Academy of Sports
Matagumpay na pagtataguyod ng bansa sa 30th Southeast Asian Games
Mabilis na pag-usad ng landmark bill sa Ease of Doing Business and Efficient Government Service Delivery Act
Pagpapsimple ng frontline processes, tulad ng consular services, pagpoproseso ng building at business permit, at serbisyo para sa mga overseas Filipinos at seafarers
Pagpapahaba ng balidad ng mga pasaporte at lisensiya sa pagmamaneho
Pagtaas ng credit rating ng Pilipinas kahit bumababa ang credit rating ng ibat-ibang bansa sa buong mundo. Noong nakaraang buwan, itinaas ng Japan Credit Rating Agency mula sa BBB plus sa A minus ang credit rating ng Pilipinas. Samantala, iminentena naman ng Moody's ang credit rating Pilipinas sa Baa2.
Mahusay na pag-usad ng Build, Build, Build at marami pang iba.
Ulat: Rhio Zablan
Photo Source: PCOO
v E-commerce ng Tsina, positibong oportunidad para sa mga produktong Pilipino 11-12 13:05 |
v Pagbubukas at pag-unlad ng distrito ng Pudong, Shanghai, maaaring matutunan ng Pilipinas – Embahador Jose Santiago Sta. Romana 11-11 16:19 |
v Xi Jinping: Pag-unlad ng Tsina at daigdig, hindi dapat paghiwalayin 11-10 21:12 |
v Xi Jinping, lubos na pinahahalagahan ang inklusibo at sustenableng pag-unlad 11-10 19:45 |
Louis Marquez: Shenzhen, magiging lider sa teknolohiya sa buong mundo; pamumuhay sa lunsod, isang biyaya-Mga Pinoy sa Tsina |
Bagong semestre, nagsimula; mga DIY na regalo mula sa mga mag-aaral, inihandog sa mga gurong Pilipino sa Shanghai |
Bong Antivola: 2020 CIFIT hudyat sa kahanga-hangang pagbangon ng Tsina sa gitna ng pandemiya; mamumuhunang Tsino malaki ang interes sa pakikipagkooperasyon sa Pilipinas |
Dandy Menor: 19 na taong paninirahan sa Shenzhen, di mapapantayan-Mga Pinoy sa Tsina |
More>> |
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |