|
||||||||
|
||
Kahit nanumpa si Li Keqiang sa kanyang tungkulin ng Premyer ng Konseho ng Estado o Pamahalaang Sentral ng Tsina noong Marso ng 2013, inilahad lang niya ang kanyang kauna-unahang Government Working Report sa ika-2 Sesyong Plenaryo ng Pambansang Kongresong Bayan (NPC) na binuksan noong ika-5 ng Marso ng taong 2014. Dahil sa umiiral na sistemang pulitikal dito sa Tsina, dapat itakda muna ng Komite Sentral ng Partido Komunista ng Tsina (CPC), naghaharing partido ng Tsina, ang pangkalahatang prinsipyo at target para sa mga gawain ng pamahalaang Tsino sa bagong termino.
Sa kauna-unahang working report ni Premyer Li, ang reporma ay naging nukleong usapin para ipakita ang kaniyang determinasyon sa pagpapatupad ng pangako ng bagong liderato ng CPC sa pagpapabuti ng pamumuhay ng mga mamamayan. Samantala, ang pagsasaayos sa estruktura ng kabuhayan ay naging pangunahing paraan ni Li para rito.
Walang duda, mahigpit ang ugnayan sa pagitan ng pulitika at kabuhayan, hindi lamang sa Tsina, kundi sa ibang mga bansa. Kaya kung nais ni Li na pasulungin ang sustenableng pag-unlad ng kabuhayan para pabutihin ang pamumuhay ng mga mamamayan, dapat munang isaayos ang papel ng pamahalaan sa mga larangang may kinalaman sa kabuhayan, tulad ng sinabi niya noong simula ng panunungkulan niya bilang Premyer Tsino, na dapat patingkarin ang pangunahing papel ng pamilihan sa kabuhayan.
Sa di-kukulangin sa 2 oras na pagtatalumpati, hindi kayang ipaliwanang ni Li ang mga detalye ng bawat gawain ng pamahalaan sa taong 2014. Pero kaugnay ng pagsasaayos ng katayuan at papel ng pamahalaan, iniharap niya ang mga hakbangin para rito na gaya ng "pabubutihin ang sistema ng pagtasa sa mga gawain ng pamahalaan," "komprehensibong mapapawi ang mga yugto ng pagsusuri na walang kaugnayan sa mga suliraning administratibo," "matatapos sa kabuuan ang reporma sa mga organo ng pamahalaang loka," "pasusulungin ang pagbabahaginan ng impormasyong pampamahalaan;" at "dapat isapubliko ng mga pamahalaang lokal ang budget at final account."
Walang duda, ang pamahalaang Tsino ay gumanap ng pangunahing papel sa pagpapasulong ng mabilis na pag-unlad ng pambansang kabuhayan nitong mahigit 30 taong nakalipas. Samantala, ito rin ay humahantong sa pagiging napakalaki ng kapangyarihan ng pamahalaan at mahina na kasiglahan ng pamilihan. Masasabing ang mga isyung panlipunan na gaya ng monopolisasyon ng mga bahay-kalakal na ari ng estado, napakahirap na pag-unlad ng mga maliit at pribadong negosyo, polusyon at korupsyon ay may kinalaman sa ganitong di-balanseng ugnayan sa pagitan ng pamahalaan at pamilihan.
Kung malaki ang kapangyarihan ng pamahalaan sa mga isyung pangkabuhayan at kulang ang pagsusuperbisa hinggil dito, madali itong magdudulot ng korupsyon. Ang nukleong katayuan ng pamahalaan sa larangang pangkabuhayan ay madalas na nagdudulot ng pagtatampok ng mga opisyal sa pag-unlad ng kabuhayan lamang sa halip ng pangangalaga sa kapaligiran, paggarantiya ng serbisyong pampubliko, at pagpapabuti ng pamumuhay ng mga mamamayan. Bukod dito, ang mga bahay-kalakal na ari ng estado ay madaling nakakakuha ng mas maraming benepisyo kaysa sa ibang mga maliit at pribadong bahay-kalakal.
Kumpara sa nilalaman ng working report ng Premyer Tsino hinggil sa pagsasaayos ng estruktura ng kabuhayan, pagpapasulong ng kabuhayan, at pagpapabuti ng serbisyong pampubliko, hindi masyadong malaki ang bahagi ng pagsasagawa ng reporma sa mga gawain ng pamahalaan. Pero mahalaga talaga ang mga hakbangin na iniharap ni Li hinggil dito. Kasi sa kasalukuyang kalagayan ng Tsina, ang mga isyu na may kinalaman sa mga gawain ng pamahalaan at pulitika ay nagiging pundamental na bagay para lutasin ang ibang mga isyung panlipunan at pasulungin ang sustenableng pag-unlad ng kabuhayan.
Back to Ernest's Blog
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |