|
||||||||
|
||
melo20130916
|
NAKATAKDANG iparating ng National Bureau of Investigation ang reklamong plunder ngayon laban sa tatlong prominenteng mambabatas na diumano'y nakinabang sa bilyon-bilyong pisong scam sa paggamit ng Priority Development Assistance Fund o PDAF. Kilala rin ito sa pangalang pork barrel.
Ayon sa mga balitang lumabas sa media, kumpirmado ng NBI na kabilang sina Senador Juan Ponce Enrile, Jinggoy Estrada at Ramon Revilla, Jr. sa mga kakasuhan ng plunder ayon sa may isang milyong pahinang dokumento.
Isang Atty. Dick Ciste, senior agent ng NBI, ang nagpakita ng mga dokumento sa mga mamamahayag kanina.
Unang binanggit ng isang pahayagan, ang Philippine Daily Inquirer na isang hindi pinangalanang source ang nagpahayag na irereklamo sina Senador Estrada, Revilla Jr., at Ponce-Enrile. Kasama sa makakasuhan si Janet Lim-Napoles, sinasabing utak ng scam.
Kasama sa mga non-government organizations na pinangalanan sa annexes ang Agri and Economic Program for Farmers, Social Development Program for Farmers Foundation, Inc. Masaganang Ani Para sa Magsasaka Foundation, Inc. at Philippine Social Development Foundation, Inc. na may koneksyon kay Senador Revilla.
May koneksyon naman kay Ponce-Enrile ang Countrywide Agri and Rural Economic Development Foundation, Agrikultura para sa Magbubukid, People's Organization for Progress and Development at ang Agri and Economic Program for Farmers Foundation, Inc.
May koneksyon kay Estrada ang Masaganang Ani Para sa Magsasaka Foundation at ang Social Development Program for Farmers Foundation, Inc. Sinasabing may 43 basta ng mga dokumento laban kay Revilla, 26 kay Enrile at 13 laban kay Estrada.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |