|
||||||||
|
||
Zamboanga City, may tension pa rin
NANGANAK NA EVACUEE, INALALAYAN NG PHILIPPINE RED CROSS. Isa ang babaeng ito sa tinulungan ng Philippine Red Cross sa Joaquin Enriquez Memorial Sports Complex. Nagluwal siya ng sanggol samantalang nasa evacuation center. May mga volunteers ng Red Cross na natamaan ng shrapnel kamakailan subalit balik na ring muli sa paglilingkod. (Photo from PRC/Gwen Pang)
MAY tensyon pa rin sa Lungsod ng Zamboanga samantalang patuloy ang operasyon ng militar laban sa mga kaalyado ni MNLF Chairman Nur Misuari ngayong araw na ito.
Sinabi ni Lt. Col. Ramon Zagala, tagapagsalita ng Armed Forces of the Philippines na nasa Zamboanga sa panayam ng CBCP Online Radio, tuloy ang kanilang "calibrated response" at patuloy nilang pinaliligiran ang mga barangay na pinagtataguan ng mga armado.
MGA PANGANGAILANGAN NG EVACUEES, PINAGTUTULUNGAN. Bukod sa pamahalaan at Simbahan, dumadalo rin sa pangangailangan ang mga tauhan ng Philippine Red Cross. Kabilang sa kanilang mga kasama ang mga duktor at narses. Tuloy pa rin ang pagpapadala nila ng human blood para sa mga nasugatan. (Photo from PRC/Gwen Pang)
Ayon kay Colonel Zagala, nais nilang matapos na sa madaling panahon ang kanilang misyon at maibalik ang Lungsod ng Zamboanga sa mapayapang kalagayan. Sa mga oras na ito, anim na kawal at pulis na ang nasasawi samantalang may 81 ang sugatan. Sa panig ng MNLF-Misuari faction ay may 51 katao na ang napapaslang samantalang may 48 nadakip o sumuko sa mga alagad ng pamahalaan.
Ayon sa ibang media reports, gumamit na ng eroplano ang Armed Forces of the Philippines sa mga pinagkukutaan ng mga MNLF-Misuari faction kaninang umaga.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |