|
||||||||
|
||
Magiging mas mainit ang darating na halalan sa Barangay
MAS MAINIT ANG BARANGAY ELECTIONS. Sinabi ni Comelec Chairman Sixto S. Brillantes na kakaiba ang halalan sa barangay sapagkat magkakamag-anak, magkakapit-bahay at magkakakilala ang tumatakbo halalan. Binanggit ni Brillantes na magsisimula ang gun ban sa Setyembre 28 hanggang Nobyembre 12 upang maiwasan ang pagdanak ng dugo dahilan sa halalan. (Raymond Bandril)
NANINIWALA si Commission on Elections Chairman Sixto S. Brillantes na mas magiging mainit ang halalan sa darating na ika-28 ng Oktubre sa may 42,000 mga barangay sa buong bansa.
Sa Tapatan sa Aristocrat, sinabi ni Chairman Brillantes na iba ang halalang pangbarangay sapagkat ang magkakalaban ay magkakasama sa barangay, magkakaibigan o magkakamag-anak. Hindi umano nagkakalayo ang agwat ng nagwawagi sa mga natatalo kaya't pinagtutuunan ito ng pansin ng kanilang tanggapan.
Sa darating na Lunes, ika-23 ng Setyembre magpupulong ang mga taga-Comelec, Philippine National Police at Armed Forces of the Philippines. Magkakaroon din ng gun ban, ang pagbabawal ng pagdadala ng mga sandata sa labas ng tahanan mula sa darating na Setyembre 28 hanggang sa ika-12 ng Nobyembre upang maibsan ang bilang ng mga masasawi o masusugatan dahilan sa halalan.
PREPARADO NA ANG LAHAT SA HALALAN. Ipadadala na ang mga balota at iba pang election paraphernalia sa iba't ibang bahagi ng bansa, ayon kay Chairman Sixto S. Brillantes sa Tapatan sa Aristocrat kaninang umaga. Ang hindi pa lamang nila matiyak ay kung matutuloy ang halalan para sa Sangguniang Kabataan. May 42,000 mga barangay sa buong bansa. (Raymond Bandril)
Handa na rin ang Commission on Elections sa kanilang mga balota at iba pang election paraphernalia. Ang problema na lamang nila ay kung ano ang magiging desisyon ng Senado at Kongreso sa patutunguhan ng Sangguniang Kabataan. Niliwanag ni Chairman Brillantes na mas mabuting huwag na munang ituloy ang halalan sa Sangguniang Kabataan upang mabatid kung ano ang magiging epekto sa barangay kung wala ang mga kabataan.
Sinabi naman ni Chairman Leon G. Flores III ng National Youth Commission na tutol sila sa abolition o pagbuwag sa Sangguniang Kabataan sapagkat may nagagawa rin naman ang mga kabataan. Bagaman, sinabi niyang kailangang magkaroon ng reporma.
Ito rin ang pananaw ni Director Leocadio T. Trovela ng National Barangay Operations Office. Naniniwala siyang mahalaga ang papel ng mga kabataan at ngangailangan lamang ng reporma upang higit na pakinabangan ng pamahalaan.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |