|
||||||||
|
||
Growth targets pareho pa rin
RECONSTRUCTION, MAGPAPASIGLA SA EKONOMIYA. Sinabi ni Socio-Economic Planning Secretary at Director General ng National Economic and Development Authority Arsenio M. Balisacan na malaki ang maiaambag ng reconstruction sa Central Philippines. Sa kanyang media briefing, sinabi ni Kalihim Balisacan na magkakaroon ng pulong bukas sa Department of Foreign Affairs upang ilahad sa development partners ang mga palatuntunang ipatutupad upang makabawi ang mga napinsala ni "Haiyan" o "Yolanda" noong nakalipas na buwan. (Melo Acuna)
KAHIT pa magkakasunod na nadama sa Pilipinas ang lindol at bagyo sa Central Philippines ay nananatili pa rin ang growth target na mula 6.0 hanggang 7.0% ngayong taon.
Sa kanyang year-end briefing, sinabi ni Socio-Economic Planning Secretary Arsenio M. Balisacan na ang Third Quarter GDP results ay kinakitaan ng ikalimang sunod na quarter na pagkakatamo ng kaunlaran na umabot 7.0% growth.
Naganap ang kaunlaran dahilan sa consumer spending, mas mataas na business at consumer confidence, mas magandang interest rates, stable inflation at malaking halagang ipinadala ng mga manggagawang Pilipino mula sa ibang bansa. Kabilang din sa dahilan ang maraming turistang dumating at mas magandang domestic economic outlook.
Dahilan sa mga pangyayaring ito, tumaas ang competitiveness rankings at nakatanggap ng investment grade status mula sa credit-rating agencies.
Ani Kalihim Balisacan, ang pinakamatinding hamon ay kung paano mapapanatili ito at mapaunlad ang kakayahang magkaroon ng magagandang hanapbuhay.
Inamin ni Kalihim Balisacan na ang pagkakaroon ng makataong hanapbuhay ay naka-ugat sa high poverty incidence. Kahit ba mabagal ang pagbaba ng bilang ng mahihirap isa pa rin itong indikasyon na kailangang pag-ibayuhin ang mga programang susugpo sa kahirapan.
Sa pagpapatupad ng mga palatuntunang mag-aayos ng mga napinsala ng bagyong Yolanda sa ilalim ng "Reconstruction Assistance on Yolanda," inaasahan nila ang full-blown recovery at reconstruction ng ekonomiya, buhay at pagkakakitaan ng mga nabiktima ng bagyo noong nakalipas na buwan.
Kung hindi naganap ang nakalipas na krisis, tiyak na matatamo ang 7.3 hanggang 7.5% growth ngayong 2013. Sa susunod na taon, inaasahan ito sa 6.5 hanggang 7.5% range.
Sa pagkapinsala ng sektor ng pagsasaka, tiyak na mababawasan ang kaunlaran sa unang tatlong buwan ng 2014, ang reconstruction ang siyang magpapasigla ng kaunlaran partikular sa pagaayos ng mga tahanan at mga pagawaing-bayan.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |