|
||||||||
|
||
Mga bangkay, natatagpuan pa sa Leyte
MARAMI pang mga bangkay ang natatagpuan ng mga autoridad sa mga basurang dulot ng bagyong "Yolanda." Ito ang balitang lumabas sa mga pahayagan mula sa Tacloban City magdadalawang buwan na matapos ang trahedya.
Ayon sa mga panayam ng media kay Sr. Supt. Pablo Cordeta, pinuno ng Task Force Cadaver, nakakatagpo pa sila ng lima hanggang pitong bangkay bawat araw mula sa mga basurang dulot ng bagyo.
Dumalaw si Portuguese Ambassador Joaquim Alberto De Sousa Moreira De Lemos kay Pangalawang Pangulong Jejomar C. Binay sa Coconut Palace kanina. Pinasalamatan ni G. Binay ang bagong ambassador sa tulong na ipinaabot sa mga biktima ni "Yolanda" at sa pakikipagmabutihang-loob sa may 2,500 mga Pilipinong nasa Portugal. (OVP Photo)
Umaasa pa si G. Cordeta na mas maraming bangkay ang matatagpuan sa mga susunod na araw sapagkat marami pang mga basurang nararapat malinis sa iba't ibang bahagi ng Tacloban. May 17 bangkay pa ang kanilang natagpuan mula ng simulang muli ang kanilang operasyon matapos ang kanilang Christmas break sa San Jose District.
Ayon naman kay City Administrator Tecson John Lim, ang lahat ng 1,305 mga bangkay na inilagak sa (Barangay) Suri, may 13 kilometro mula sa sentro ng lungsod, ay nailibing na sa compound ng isang health center. Natapos ang mass burial noong Linggo. Umabot sa 2,505 katao ang nasawi mula sa Tacloban City.
Ang paglilinis sa Tacloban City ay ginagastusan ng Tzu Chi Foundation sa pamamagitan ng cash-for-work program na nagbabayad sa mga residente ng P 500.00 bawat araw sa mga paglilinis sa kapaligiran.
Mayroon ding cash-for-work program ang United Nations Development Program para sa mga mamamayang maglilinis ng kanilang tinitirhan at mga lansangan.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |