Ang ating topic ngayong gabi ay iyong mga pangyayaring pumatok noong 2013 at inaasahan pang magdedebelop ngayong 2014. Ang mga ito po ay binase namin sa mga impormasyong mula sa website ng CHINA INTERNET WATCH.
Mayroon po kaming 8 sa listahan, at narito ang una. Ang Ya'an Earthquake – Noong 2013, hindi lang po ang Pilipinas ang nasalanta ng mga natural na kalamidad, ang Tsina rin ay nakaranas ng ganitong mga pangyayari. Noong April 20, 2013, ganap na 8:02 ng umaga (Beijing time), naganap ang isang malakas na lindol sa Sichuan province at ang episentro nito ay nasa Lushan County ng lunsod Ya'an. Ang nasabing lindol ay may lakas na magnitude 7.0 sa Richter Scale, at umabot sa 1.52 milyong katao ang naapektuhan nito. Ayon sa ulat noong April 24, 196 ang namatay, samantalang 21 ang pinaghahanap. Ang mga sugatan naman ay umabot sa 11,470.
Ang nasabing kalamidad ay nakaakit ng pandaigdigang atensyon, at nasa 8,000 sundalo ang idineploy ng Tsina para tumulong sa mga biktima. Marami ring pribadong kompanya, kasama na ang Red Cross, ang nagbigay ng pera at kagamitan. Idineklara naman ng Pamahalaang Tsino ang April 27 bilang public mourning day para sa mga nasawi sa Ya'an earthquake. Sa araw na ito, lahat ng uri ng libangan ay ipinagbawal, at pinatunog din, sa loob ng 3 minuto ang mga sirena.
Hanggang ngayon ay on-going pa rin ang rekonstruksyon sa nilindol na lugar: at tulad ng mga lugar na sinalanta ni Yolanda, matagal na panahon at maraming pondo ang gugugulin para maibalik sa normal ang takbo ng pamumuhay ng mga mamamayan doon.
1 2 3 4