Cardinal Sarah, dumadalaw sa mga nasalanta ni "Yolanda"
MAGTATAGAL sa Pilipinas hanggang sa Biyernes, ika-tatlumpu't isa ng Enero si Cardinal Robert Sarah, ang pangulo ng Pontifical Council "Cor Unum" upang dumalaw sa mga nasalanta ng bagyong "Yolanda" sa kautusan ni Pope Francis, bilang pagpapakita ng pakikiisa sa mga biktimang nahaharap sa mabigat na hamon ng pagsasa-ayos ng kanilang mga buhay at tahanan.
Nakausap na niya ang mga kasapi ng Catholic Bishops Conference of the Philippines kahapon, makaharap kay Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III at pagdalaw sa Tacloban na lubhang apektado ng super typhoon.
Magtatayo ang "Cor Unum" ng isang bagong gusali para sa isang ampunan at isang tahanan para sa mga matatanda. Magkakaroon din ng isang maliit na kumbento para sa mga madre, isang kapilya at isang dispensary o klinika.
Ayon sa ulat ng Caritas Philippines o National Secretariat of Social Action, Justice and Peace, higit na sa 6,200 ang nasawi, 26,000 ang nasugatan samantalang may 2,000 pa ang nawawala. May 851,000 mga pamilya ang walang tahanan.
1 2 3