|
||||||||
|
||
140228melo.m4a
|
Dalawang Pilipino ang nasawi, dalawa ang nasugatan sa pagsabog sa Qatar
DALAWANG PILIPINO, NASAWI SA QATAR. Tiniyak ni Asst. Secretary Raul C. Hernandez, tagapagsalita ng Kagawaran ng Ugnayang Panglabas ng Pilipinas na tutulungan ang pamilya ng mga nasawi at maging ng mga nasugatan sa pagsabog na naganap sa Doha, Qatar kahapon. Mayroong 185,000 mga Pilipino sa Qatar ngayon. (Melo M. Acuna)
OPISYAL na ibinalita ng Embahada ng Qatar sa Maynila na labing-dalawa katao ang nasawi dahilan sa pagsabog na pinaniniwalaang mula sa isang tangke ng gas sa isang kainan sa Doha kahapon.
Ayon kay Assistant Secretary Raul S. Hernandez, tagapagsalita ng Kagawaran ng Ugnayang Panglabas, dalawang Pilipino ang nasawi samantalang dalawa pang Pilipino ang nakasama sa 31 iba pang nasugatan.
Ginagamot na ang dalawang Pilipino sa isang pagamutan at nasa maayos na silang kalagayan. Nagtatrabaho ang mga Pilipino sa isang supermarket sa loob ng isang shopping mall na katabi ng Turkish restaurant.
Nasabihan na ang kanilang mga kamag-anak sa Pilipinas tungkol sa sinapit ng kanilang mga mahal sa buhay sa Doha.
Ani G. Hernandez, inatasan na ni Kalihim Albert F. del Rosario ang Embahada ng Pilipinas sa Doha na tulungan ang mga biktima at kanilang mga pamilya sa paghahabol ng kanilang employment benefits at madaliang pag-uuwi ng mga labi. Umaasa ang Kagawaran ng Ugnayang Panglabas na mapapadali ang pag-uuwi sa mga labi ng nasawi.
Tiniyak na rin ng kanilang mga pinaglilingkuran at mga sponsor sa Qatar na sasagutin nilang lahat ang gastos sa pagpapagamot at pag-uuwi ng mga labi.
Iisa sa apat na biktima ang kasapi ng Overseas Workers Welfare Administration at makatatanggap ng kaukulang benepisyo. Hindi pa rin mabatid ang pinagmulan ng pagsabog.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |