|
||||||||
|
||
140226melo.m4a
|
Stratehiya ng Tsina sa industriya ng palay, maganda
MAGANDA ANG HALIMBAWANG GINAWA NG TSINA. Ito ang sinabi ni Dr. Rogier J. E. van den Brink, Lead Economist ng World Bank sa Pilipinas. Ayon sa dalubhasa. malaking salapi ang ginugol ng Tsina sa extension, research at iba pang mahahalagang bagay. Isa siya sa mga nagsalita sa irinados na Arangkada Philippines Forum kanina. (Melo M. Acuna)
MAAARING makamtan ng Pilipinas ang mithi nitong sumapat ang ani ng palay para sa mga Pilipino. Ito ang paniniwala ni Dr. Rogier J. E. van den Brink, Lead Economist ng World Bank sa Pilipinas.
Sa isang panayam samantalang idinadaos ang Arangkada Philippines Forum sa Makati Shangri-La kanina, sinabi ni Dr. van den Brink na ang problema ay hindi angkop ang ginagawang mga palatuntunan ng Pamahalaan ng Pilipinas.
Ayon sa dalubhasa, ang presyo ng bigas sa Pilipinas ay mas mataas ng 40% kaysa presyo sa world market, na nangangahulugan ng 40% buwis na ipinapataw sa mahihirap at maging sa kalakal. Nagaganap ito sa mga pagbabawal sa pag-aangkat ng bigas.
Inihalimbawa niya ang ginawa ng Tsina na sinimulan noong kalagitnaan ng dekada sitenta na binuwag ang commune farms at pinayagan ang mga magsasakang mag-alaga ng kanilang mga sariling pananim at sa pamilihan.
Sinimulan ng Tsina ang kaukulang reporma sa pamamagitan ng pagugol ng malaking salapi sa agricultural extension, research, infrastructure, education at health. Ito umano ang nararapat gawin ng Pilipinas subalit kung susuriin ang salaping ginugugol sa pananaliksik at extension services ay mapupunang mumunti na lamang ang inilalabas na appropriation mula sa kaban ng bayan.
Idinagdag ni Dr. van den Brink, kung hindi magkakaroon ng extension services ang pamahalaan para sa mga magsasaka at kung walang matatanggap na ayuda ang mga magsasaka, kahit anong palatuntunang magdaragdag sa ani ng palay ay hindi magtatagumpay.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |