|
||||||||
|
||
Investments at stock market players, mula sa mga Pilipino
Sinabi ni G. Gregorio S. Navarro, pangulo ng Management Association of the Philippines na 2.3 ng mga kalakal na sinangayunan ng Board of Investments at salaping nasa stock market ang mula sa mga Pilipino. Magandang pangitain ito sapagkat higit na magtitiwala ang mga banyaga sa Pilipinas, dagdag pa ni G. Navarro. (Melo M. Acuna)
UMAABOT sa 2/3 ng mga bagong kalakal na pumasa sa Board of Investments at salaping nasa stock market ang nagmumula sa mga Pilipinong mangangalakal. Ito ang sinabi ni G. Gregorio S. Navarro, Pangulo ng Management Association of the Philippines sa isang eksklusibong panayam.
Ayon kay G. Navarro, maganda iyong pangitain sapagkat higit na magtitiwala ang mga banyagang mangangalakal sa Pilipinas dahilan sa paglalagak ng mga Pilipino ng kanilang salapi sa mga negosyo at kalakalan sa stock market.
Bagaman, ang kanilang samahan ay nababahala sapagkat sa likod ng kaunlarang natamo sa ekonomiya, walang naidulot na mga bagong hanapbuhay sa mga manggagawang Pilipino. Ang kanilang tema ay nakatuon sa pagpapanatili ng inclusive growth na nakasalalay sa maayos na pagpapatakbo ng pamahalaan.
Idinagdag pa ni G. Navarro na ang kaunlarang natatamo ng Pilipinas ngayon ay nakasalalay sa paggasta ng mga mamamayan, mga ipinadadalang salapi ng mga manggagawang nasa ibang bansa at mga kinikita ng business process outsourcing.
Hindi magtatagal ay malalampasan na ng mga business process outsourcing companies ang salaping ipinadadala ng mga manggagawang Pilipino sa ibang bansa sapagkat US$ 21.39 bilyon ang foreign remittances samantalang higit na rin sa US$20 ang kita ng mga bpo sa Pilipinas.
Nangangailangang maglagak ng salapi ang pamahalaan sa sektor ng pagsasaka at turismo sapagkat hindi ito mangangailangan ng kuryente tulad ng manufacturing. Kailangang magkaroon ng mga hanapbuhay sa mga sektor na ito sa pinakamadaling panahon, dagdag pa ni G. Navarro.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |