|
||||||||
|
||
Sa Aklan, Simbahan, abala sa pagtulong sa mga biktima ni "Yolanda"
Sinabi ni Bishop Jose Corazon Tala-oc ng Diyosesis ng Kalibo na nakikipagtulungan sila sa CBCP-NASSA, Caritas Internationalis at Catholic Relief Services upang matulungan ang mga binagyo noong ika-8 ng Nobyembre. (Melo M. Acuna)
MARAMING nangangailangan ng mga pabahay sa lalawigan ng Aklan na siyang kinalalagyan ng Diyosesis ng Kalibo.
Sa isang panayam kay Bishop Jose Corazon Tala-oc, walong bayan sa may hangganan ng Aklan at Capiz ang nasalanta ng malakas na bagyo noong nakalipas na ika-walo Nobyembre. Na sa Phase II na umano ang kanilang pagtulong at ito'y kinabibilangan ng pagpapabahay sa mga biktima.
Ani Bishop Tala-oc, kung dumaan ang bagyong "Yolanda" sa Boracay, sa bayan ng Malay, na kinaroroonan ng maraming turista, tiyak na marami ang masasawi sapagkat nakita sa Tacloban ang hagupit ng daluyong o typhoon surge.
Masusing pinag-aaralan ng kanilang mga pari at katulong na ahensya kung anong uri ng tahanan ang itatayo para sa mga biktima. Kasama sa kanilang mga kabalikat ang CBCP-National Secretariat for Social Action, Caritas Internationalis at Catholic Relief Services.
Isang problemang kinakaharap nila ay walang mapapagtayuang lupain para sa mga pabahay. Wala umanong lupa ang Diyosesis ng Kalibo para sa pabahay maliban sa mga kinatatayuan ng kanilang mga parokya.
Nakarating naman ang mga relief goods ng pamahalaan sa mga biktima at kamakailan ay nagpulong na ang mga gobernador at mga mambabatas ng Kanlurang Kabisayaan kung ano ang magiging prayoridad sa pagtulong sa mga biktima.
Idinagdag ni Bishop Tala-oc na kailangan ng mga mamamayan ang hanapbuhay upang matustusan ang kanilang mga pangangailangan sapagkat napinsala ang mga sagingan at mga niyugan.
Sa tanong kung may mga nagsilikas na mula sa Aklan upang mangibang-bansa dahilan sa trahedyang tumama sa kanila, sinabi ni Bishop Tala-oc na wala pa mang bagyo ay may mga nagtatrabaho na sa Boracay na umaalis ng bansa upang magkaroon ng mas magandang kita.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |