|
||||||||
|
||
Pilipinas, nababahala sa nagaganap sa Crimea
NABABAHALA ang Pilipinas sa nagaganap sa Crimea at umaasang magkakaroon ng kalutasan ang 'di pagkakaunawaan sa pamamagitan ng diplomasya.
Ito ang pahayag ng Kagawaran ng Ugnyanang Panglabas ngayong Miyerkoles. Binigyang-pansin ng Pilipinas ang United Nations General Assembly Resolution 3341 na nananawagan na magkaroon ng pagpipigil ang magkakatunggaling panig.
Sumusuporta rin ang Pilipinas sa anumang pagkilos upang mabawasan ang tensyon sa rehiyon at magkaroon ng malawakan at payapang pag-uusap at pagkakasundo ng may paggalang sa international law ang lahat ng panig.
Masusing pinag-aaralan ng Pilipinas ang UN Resolution mula sa pananaw ng pagtatanggol ng territorial integrity ng isang bansa.
Cardinal Quevedo, pinarangalan ng ARMM
ISANG "Man of Peace in Muslim Mindanao" ang bagong hirang na kasapi ng College of Cardinals si Cotabato Archbishop Orlando Beltran Cardinal Quevedo sa kanyang nagawa upang isulong ang kapayapaan sa rehiyon.
Ito ang buod ng parangal ng Autonomous Region in Muslim Mindanao kay Cardinal Quevedo na ngayo'y 75 taong gulang na sa kanyang mahalagang kontribusyon sa pagsusulong ng pagtitiwala at pag-unawa sa mga Muslim, Kristiyano at mga Lumad.
Magugunitang nakasama si Cardinal Quevedo ang 18 iba pang mga arsobispo mula sa iba't ibang bansang hinirang ni Pope Francis na makasama ng College of Cardinals noong nakalipas na buwan.
Nagsama-sama kahapon ang mga pinuno at mga kawani ng ARMM, mga kinatawan ng iba't ibang tribu at pananampalataya upang magpasalamat sa bagong hirang na cardinal sa pagsusulong sa kapayapaan at paninindigan laban sa kawalan ng katarungan.
Ayon kay Haroun Al-Rashid Lucman, bise-gobernador ng ARMM, marapat lamang pasalamatan si Cardinal Quevedo sa kabaitang naipadama sa mga taga-Mindanao.
Idinagdag pa niya na hindi lamang alagad ng Diyos ang cardinal kungdi isang tagapagtanggol ng mga karapatang pangtao ng mga Muslim.
Nagsalita rin sina Bishop Jose Colin Bagaforo, Sammy Maulana at Valentin Juan na kumatawan sa mga Katoliko, mga Muslim at mga Katutubo.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |