|
||||||||
|
||
Pilipinas, nagsumite na ng memorial sa Arbitral Tribunal
NAKATUGON ang Pilipinas sa deadline na itinakda ng Arbitral Tribunal upang suportahan ang reklamo at pagtatanong laban sa People's Republic of China sa ilalim ng International Convention on the Law of the Sea noong nakalipas na Enero, 2013.
Sa pagharap ni Kalihim Albert F. Del Rosario at Solicitor General Francis H. Jardeleza sa mga mamamahayag kahapon ng hapon, sinabi niya na ang memorial ay napapaloob sa Rules of Procedure na ipinatupad ng lima-kataong Arbitral Tribunal noong Agosto na nagtakda sa araw ng Linggo, ika-30 sa buwan ng Marso, 2014 bilang deadline.
Naglalaman ang memorial na paninindigan ng Pilipinas sa hurisdiksyon ng Arbitral Tribunal at mga dahilang magpapatibay ng paghahabol ng Pilipinas. Mayroon itong sampung bahagi. Ang Volume 1 ay may 270 pahina na naglalaman ng mgamakatuturang batas at mga ebidensya at pagsusuri. Naglalaman ito ng mga dahilan kung bakit saklaw ng Arbitral Tribunal ang hinahabol ng Pilipinas na napapaloob sa Statement of Claim at ang bawat claim ay may kabuluhan.
Samantala, sinabi pa ni G. Del Rosario na ang Volumes 2 hanggang 10 ay naglalaman ng mga ebidensya at mapa na sumusuporta sa claims ng Pilipinas tulad na isinasaad sa Volume 1. Ang Volumes 2 hanggang 10 ay naglalaman ng may 3,700 pahina na kinabibilangan ng higit sa 40 mapa.
Sa kabuuhan, naglalaman ito ng halos 4,000 pahina.
Pinasalamatan niya ang mga ahensya ng pamahalaan na tumulong sa pagtitipon ng mga mahahalagang impormasyon, datos, mga mapa at iba pa. Binanggit d9n niya ang international legal advisers na binubuo nina Paul Reichler at koponan ng mga dalubhasa sa international law.
Ipinaliwanag pa ni Kalihim del Rosario na karaniwang nagaganap sa arbitration ang pagkakaroon ng counter-affidavit ng kabilang panig. Subalit niliwanag niyang hindi pa batid kung haharapin ng Tsina ang usapin o magpapatuloy na walang kibo sa pagdinig. Sa ilalim ng Rules of Procedure, ang Arbitral Tribunal ang magdedesisyon ng mga susunod na hakbang at magpapayo sa magkabilang panig.
Tatalima ang Pilipinas sa anumang kautusang magmumula sa Arbitral Tribunal tungkol sa paglalathala ng nilalaman ng Memorial. Samantala, sa paggalang sa Tribunal at maging sa arbitral process, pananatiliin ang confidentiality.
Ang layunin ng Memorial ay maipagtanggol ang lehitimong pag-aari ng bansa, pagtiyak ng magandang kinabukasan ng mga susunod na saling-lahi, pagbibigay ktiyakan sa kalayaang makapaglayag ng lahat ng bansa at pagtulong sa pagpapanatili ng pang-rehiyong kapayapaan, seguridad at katatagan. Hindi umano karaniwang paghiling ng kalutasan sa sigalot ang mithi ng bansa. Layunin ng karamihan ang makatarungan at matatag na kalutasan sa sigalot sa pamamagitan ng international law.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |