|
||||||||
|
||
Pagtatatag ng Lung Center of the Philippines sa Kabisayaan at Mindanao, hiniling
HINILING ni Party List Congressman Wes Gatchalian ng Alay Buhay na magkaroon ng sangay ang Lung Center of the Philippines sa Kabisayaan upang maisulong at mapatibay ang mga programang pangkalusugan.
Sa kanyang House Bill 4343, ipinaliwanag ni Gatchalian na nararapat lamang tiyakin ng pamahalaan na magkaroon ng specialty hospitals (Level 3) sa iba't ibang bahagi ng bansa maliban sa National Capital Region.
Magugunitang naitayo ang Lung Center of the Philippines sa pamamagitan ng Presidential Decree No. 1832. Sa ilalim ng panukalang batas, mapapawi ang centralized hospital services partikular sa Lung Center of the Philippines na itinatag upang magkaroon ng "state-of-the-art" facilities at kagamitan para sa mga taong may karamdaman sa baga.
Idinagdag pa ng mambabatas na mula 2003 hanggang 2011, ang Pilipinas ang isa sa may pinakamataas na bilang ng may tisis sa daigdig.
Hiniling ni Congressman Gatchalian na itatag ang Lung Center of the Philippines sa Visayas at Mindanao sa pakikipagtulungan sa Kagawaran ng Kalusugan.
Layunin ng mambabatas na maglaan ng P 500 milyon sa bawat itatatag na pagamutan sa Visayas at Mindanao upang makapagtayo ng mga gusali, bagong kagamitan, muwebles at iba pang kailangan.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |