|
||||||||
|
||
20140630Meloreport.mp3
|
MALAKI ang nagagastos ng pamahalaang lokal sa mga pangangailangan ng higit sa 25,000 mga evacuees na hindi pa mailipat sa kanilang pangmatagalang matitirhan.
Ito ang sinabi ni Zamboanga City Mayor Isabelle G. Climaco sa kanyang paglalarawan ng mga pangangailangan ng mga nasalanta noong sumalakay ang mga tagasunod ni MNLF Chairman Nur Misuari sa kanyang pagharap sa Tapatan sa Aristocrat kaninang umaga.
Ipinaliwanag niyang walang mga Badjao na ililipat sa mga pook na malayo sa karagatan sapagkat ang karagatan ang kanilang buhay. Malawak na residential areas ang natupok sa sagupaan ng mga kawal ng pamahalaan at mga Moro National Liberation Front (sa ilalim ni) Chairman Nur Misuari.
Nangangailangan ang mga evacuees ng tubig. Mabuti na lamang at mayroong water tanker ang Philippine Red Cross na umaalalay sa mga pangangailangan ng mga mamamayang nasalanta.
Kailangan ding magkaroon ng malawakang palatuntunan sa sanitation sapagkat isang malaking problema ang idinudulot ng kawalan nito sa mga mamamayan.
Mayroon nang maituturong na malawakang rehabilitation kahit pa nangangailangan ng pagkain at damit, partikular ang damit pangloob. Ito ay kasunod ng pagpapatupad ng Zamboanga City Roadmap to Recovery and Reconstruction (Z3R) upang mapadali ang pagtatayo ng mga pagawaing-bayan at mga tahanan ng libu-libong nawalan ng tahanang mga taga-Zamboanga City.
Layunin din nilang matugunan ang pangangailnagan ng mga katutubong nagmula sa Basilan, Sulu at maging sa Tawi-Tawi. Nakausap na ni Mayor Climaco ang mga pinuno ng National Inter-Agency Council kasama sina Public Works and Highways Secretary Rogelio Singson at ang National Housing Authority General Manager Chito Cruz.
Nagbigay na umano si Kalihim Singson ng pahintulot sa local government officials na makipagkasundo sa mga pribadong maylupa upang madali ang pagtatayo ng mga matitirhan at mga pangsamantalang tahanan ng mga biktima ng kaguluhan.
Samantala, kasama rin sa mga naging panauhin sina Major General Lysander Suerto, ang Deputy Chief of Staff for Civil Military Operations at Roderic Salve ng Philippine Red Cross.
Ayon kay General Suerte, nakapaghanda ang mga kawal ng Philippine Army sa Guiuan, Eastern Samar sapagkat nakapag-imbak sila ng pagkain na aabot sa dalawang linggo kaya't nakatulong sila sa paghahanda ng kinauukulan.
Muling nabuhay ang mga amateur radio groups sa Kabisayan sa paghagupit ni "Yolanda" na ikinapinsala ng mga cell sites ng malalaking telecommunication companies sa Central Philippines.
Nagpasalamat din siya sa mga amateur radio enthusiasts na tumulong sa mga kawal at pulis sa pagtugon sa pangangailangan ng mga mamamayan.
Sa panig ni Roderic Salve, bagama't nagkakaroon ng mga kalamidad sa iba't ibang bahagi ng daigdig, nakakaasa pa rin ang Philippine Red Cross sa mga kasaping mula sa 190 Red Cross/Crescent Societies sa buong daigdig.
Mayroon din silang mga generators at solar-powered refrigerators para sa mga duong kailangan ng mga mamamayan sa oras ng emerhensya. Mayroon silang sapat na bilang ng mga potensyal na donor para sa dugo sa buong bansa.
Sa larangan ng ekonomiya, ibinalita ni Mayor Climaco na mayroong higit sa karaniwang isdang nadakip ang mga nasa-industriya ng sardinas. Sa pagkakaroon ng pagbabawal sa pagdakip ng isda mula Disyembre hanggang huling araw ng Pebrero, sinabi ni Mayor Climaco na napakaraming isdang nadakip ng mga mangingisdang nasa industriya ng pagsasardinas. Malaking tulong ito, ani Mayor Climaco sa pinsalang idinulot ng Zamboanga stand-off sapagkat umabot ito sa halagang P 50 bilyon.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |