|
||||||||
|
||
Senador Estrada, tumangging magpasok ng kanyang plea sa korte
ANG Sandiganbayan mismo ang nagpasok ng "plea of not guilty" sa ngalan ni Senador Jose "Jinggoy" Estrada sa pagbasa ng sakdal sa kanya kaninang umaga.
Magugunitang nahaharap sa kasong plunder ang mambabatas dahilan sa diumano'y pagkakasangkot sa paglustay sa Priority Development Assistance Fund na kilala sa pangalang pork barrel.
Ayon sa mga ulat, tumangging magpasok ng plea si Senador Estrada sapagkat mayroon siyang dalawang usaping wala pang sagot at nakabimbin sa Korte Suprema.
Sinabi niyang "I respectfully refuse to enter a plea, your honor." Hiniling ni Senador Estrada sa Korte Suprema noong isang linggo na pigilan ang Sandiganbayan sa paglilitis sa kanyang plunder at graft cases at pawalang-saysay ang arrest warrant na inilabas laban sa kanya.
Sa kabilang dako, ang sinasabing utak ng pork barrel scam na si Gng. Janet Lim Napoles ay nagsabing "not guilty."
May kaso ring plunder sa Fifth Division ng Sandiganbayan sina Senador Estrada, Gng. Napoles, ang chief of staff ni Senador Estrada na si Paulyn Labayen at ang tsuper ni Napoles na si John Raymund de Asis. Kapwa 'di pa nadarakip sina Labayen at de Asis.
Ayon sa sumbong, inilipat ni Estrada ang kanyang alokasyon sa PDAF tungo sa mga palsipikadong NGO na itinatag ni Napoles at naibulsa ang may P 183.79 milyon. Liban sa isang usaping plunder, nahaharap din siya sa 11 kasong graft. Tumanggi rin siyang magpasok ng anumang plea para sa mga usaping ito.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |