|
||||||||
|
||
Kasong plunder laban sa mga Binay, nangangamoy politika na
SINABI ni Makati Mayor Junjun Binay na nangangamoy politika na ang kasong plunder na inihain laban sa kanya at sa kanyang amang si Vice President Jejomar C. Binay.
Gawa umano ito ng mga taong desperado sa larangan ng politika na nananaginip maging pangulo sa 2016.
Ipinaliwanag ng nakababatang Binay na ang reklamo ay isinunod sa survey results ng Pulse Asia na nangungunang kandidato ng mga mamamayan si Vice President Binay sa pagkakaroon ng 41%. Desperado na umano ang mga katunggali kaya't inilalaglag ang kanyang ama.
Ginawa ng Pulse Asia ang survey sa may 1,200 respondents mula ika-24 ng Hunyo hanggang ikalawang araw ng Hulyo. Wala naman umanong basehan ang reklamo.
Inakusahan sa Ombudsman ang mag-amang Binay at 21 iba pa ng pagsasabwatan upang mapataas ang halaga ng pagtatayo ng bagong Makati City Parking Building sa F. Zobel st. sa Makati noong 2007. Ang mga nagreklamo ay sina dating Olympia Barangay Chairman Nicolas Enciso VI at isang Atty. Renato Bondal na nakalaban ni Mayor Junjun Binay sa pagka-alkade noong nakalipas na halalan.
Ayon sa mga nagreklamo, umabot sa higit sa isang bilyo't kalahati ang ibinayad sa pagpapatayo ng gusali samantalang ayon sa datos ng National Statistics office, nagkakahalaga lamang ito ng P 245 milyon.
Ang nakatatandang Binay ang punong lungsod noon samantalang isang konsehal ang kanyang anak na si Junjun Binay.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |