|
||||||||
|
||
140704melo.mp3
|
Arsobispo Villegas, nanawagan sa COA at Ombudsman: Ibunyag ninyo kung saan napunta ang salapi mula sa DAP
ARSOBISPO VILLEGAS, NANAWAGAN SA PAMAHALAAN. Sa kanyang inilabas na pahayag sa ngalan ng Catholic Bishops Conference of the Philippines, nanawgan si Arsobispo Villegas sa Commission on Audit at Ombudsman na ihayag kung saan nakarating ang salaping mula sa Disbursement Acceleration Program na ideneklarang labag sa Saligang Batas ng Pilipinas. (Roy Lagarde/CBCP NEWS)
NANAWAGAN si Arsobispo Socrates B. Villegas sa mga ahensya ng pamahalaan tulad ng Commission on Audit at Ombdusman na ihayag sa madla kung saan napunta ang salaping mula sa Disbursement Acceleration Program ng Administrasyong Aquino.
Sa isang pahayag na inilabas ngayon, sinabi ng arsobispo na pangulo ng Catholic Bishops Conference of the Philippines na maraming ginawa at ginawi ng pamahalaan sa ilalim ng DAP ay walang basbas ng Saligang Batas. Nauna nang nagdesisyon ang Korte Suprema na ang Priority Development Assistance Fund (PDAF) na kilala sa pangalang pork barrel ay taliwas din sa Saligang Batas.
Sinabi ni Arsobispo Villegas na kaya siya nagpalabas ng pahayag ay may kinalaman ang isyu sa moralidad at katarungang panglipunan. Nararapat lamang na bigyang pansin ang mga isyung bumabalot sa DAP at hindi basta maisasa-isang tabi. Tatlong senador na ang kinasuhan dahilan sa maling paggamit ng salapi ng bayan.
Ikinabahala ni Arsobispo Villegas na malaking bahagi ng PDAF ang nakarating sa mga palsipikadong mga mga NGO upang gamitin ang pondo para sa personal at mga illegal, immoral na paggamit.
Hindi lamang sa tatlong senador nararapat ituon ang galit ng bayan o sa mga akusado sapagkat nararapat kilalanin ng madla ang kasalanang mangupit o mangulimbat sa maliliit o malalaking paraan.
Nanawagan din ang arsobispo na magkaroon ng pambansang pagbabago hindi lamang ng mga tao kungdi sa mga institusyon.
Bagama't imposible nang maibalik ang salaping nailabas na, kailangang mabatid ng madla kung saan nakarating ang mga pondong mula sa Disbursement Acceleration Program.
Idinagdag pa ng arsobispo na kung ito ay ginamit sa illegal at immoral na paraan, kailangang may managot.
Inulit niya ang panawagan sa pamahalaan na hindi kailangang magkaroon ng pagtatangi sa mga sisiyasatin sapagkat naniniwala ang ilang sektor na mayroong tinitingnan at mayroong tinititigan, may nililitis subalit mayroong ipinagsasanggalang.
Kung tapat umano ang pamahalaan sa paniniwalang karapat-dapat ang tuwid na daan, nararapat panagutin din ang mga kakamping pinaniniwalaang nagkasala.
Mayroon na ring pamamaraan ang karamihan ng mga obispo na panagutin ang mga pari at mga lider ng mga parokya at mayroong alituntuning ipinababatid sa lahat upang maging mapagbantay ang mga mananampalataya. Higit na pinababantayan ang mga donasyon at mga abuloy.
Idinagdag pa ni Arsobispo Villegas na sa ganitong paraan, makatutugon ang Simbahan sa panawagang magkaroon ng Katarungan at pagiging patas sa lipunan.
Kailangang maibalik ang integridad sa bansa, dagdag pa ni Arsobispo Villegas.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |