|
||||||||
|
||
140730melo.mp3
|
Pope Francis, dadalaw sa Maynila at Kabisayaan
POPE FRANCIS, DADALAW SA PILIPINAS SA ENERO 15-19,2015. Ito ang ibinalita ni Manila Archbishop Luis Antonio Gokim Cardinal Tagle (gitna) sa mga mamamahayag kagabi, kasabay ng pagpapahayag sa Vatican City ganap na ika-12 ng tanghali. Sa panig ng Pamahalaan ng Pilipinas, sinabi ni Kalihim Herminio "Sonny"Coloma (dulong kanan) na hinirang ni Pangulong Aquino si Executive Secretary Paquito Ochoa na kinatawan ng pamahalaang makikipag-ugnayan sa Catholic Bishops Conference of the Philippines sa paghahanda sa pagdalaw. Bahagyang natakpan si Abp. Guiseppe Pinto ng Apostolic Nunciature samantalang nasa kaliwa si Pasig Bishop Mylo Hubert C. Vergara ang chairman ng Episcopal Commission on Social Communications and Mass Media. (Melo Acuna)
KASABAY ng pagbabalita sa Vatican City, sinabi ni Manila Archbishop Luis Antonio Gokim Cardinal Tagle na darating si Pope Francis sa Maynila sa ika-15 ng Enero, 2015 matapos ang kanyang pagdalaw sa Sri Lanka.
Sa press briefing na idinaos ika-anim ng gabi kagabi, magtatagal ang Santo Papa sa Pilipinas hanggang sa ika-19 ng Enero. Nakatakdang ilabas ang iba pang detalyes ng kanyang pagdalaw sa mga susunod na araw.
Bagaman, sinabi ni Cardinal Tagle na balak ng Santo papa na dumalaw sa mga pook na binagyo noong nakalipas na taon. Idinagdag ng cardinal na dama niya ang epekto ng trahedyang tumama sa mga Filipino kay Pope Francis. Nanawagan din siya sa madla na magkaroon ng spiritual preparation upang higit na magkaroon ng kahulugan ang pagdalaw ni Pope Francis.
Isang paraan ay ang pagkakaroon pagkakawang-gawa.
Ang pagdalaw ay kasabay ng ika-20 anibersaryo ng World Youth Day noong 1995 na dinluhan ni Saint Pope John Paul II.
Ayon kay Papal Nuncio to the Philippines Archbishop Guiseppe Pinto, magandang pagkakataon ito upang madama ng mga mamamayan ang pagmamahal ng Santo Papa at makita ng Santo Papa ang mga aba sa mga nasalanta ng trahedya sa Silangang Kabisayaan.
Mahalaga ang pagdalaw na ito na kinikilalang isang apostolic visit, o pagdalaw ng isang pastol sa kanyang mga kawan.
Samantala, ikinatuwa naman ng Palasyo Malacanang ang pagtanggap ng paanyaya ng mga Obispo at Pamahalaan ng Pilipinas ni Pope Francis na dumalaw sa Pilipinas.
Sinabi ni Secretary Herminio "Sonny" Coloma na hinirang ni Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III si Executive Secretary Pacquito Ochoa na siyang mamumuno sa panig ng pamahalaan sa pakikipag-ugnayan sa Simbahan sa pagdalaw ni Pope Francis.
Sa kanyang pagharap sa mga mamamahayag sa Arzobispado de Manila, sinabi ni Secretary Coloma na kasama ng mga Filipino ang pamahalaan sa pagpapasalamat sa pagtatakda ng petsa ng pagdalaw ni Pope Francis sa bansa.
Tiyak na mainit na pagsalubong ang ipadarama ng mga Filipino sa pagsalubong sa kauna-unahang Santo Papa mula sa South America.
Nanawagan din si Pangulong Aquino sa mga kawani ng pamahalaan at mga mamamayan na magtulungan sa papal visit committee upang matiyak ang tagumpay ng pagdalaw na ito, dagdag ka ni Secretary Coloma.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |